Ni: Orly L. Barcala
Habang isinusulat ang balitang ito, kritikal ang isang lalaki nang pagtatagain ng kanyang dinaig sa suntukan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nakaratay sa ospital si Christian Rey Legazpi, 28, ng 7th Avenue, Grace Park Caloocan City, dahil sa mga taga sa braso at iba pang bahagi ng katawan.
Nakatakas naman ang suspek na kinilala sa alyas na Jason.
Base sa report, bandang 7:30 ng gabi, naglalakad ang biktima at kanyang kaibigan sa Rizal Avenue Extension corner 5th Avenue, Barangay 57, Caloocan City.
Pagsapit sa isang convenience store, sumulpot si Jason at sinapak si Legazpi hanggang sa nauwi sa suntukan at nalamog ang suspek.
Tumakbo si Jason at pumunta sa minamanehong tricycle at kumuha ng itak at pinagtataga ang biktima.