Ni: PNA
KINILALA ang natatanging ethnic dish ng Albay sa Top 50 World Street Food Masters list sa katatapos na World Street Food Congress 2017 na ginanap sa bansa.
Pumuwesto sa ika-22 ang tanyag na “Pinangat” ng lalawigan, na ilang beses na ring kinilala ang linamnam sa ilang world food expo.
Ang Pinangat ay maaaring isda o karne ng baboy na binalot sa dahon ng taro at matagal na pinakuluan sa gata.
Kabilang din sa listahan ng Top 50 World Street Food Masters ang Hwa Pork Noodle ng Hill Street sa Singapore, ang Franklin’s BBQ ng Austin, Texas sa Amerika, at ang Che Paek Pu Ob Voon Sen ng Bangkok, Thailand.
Ang tagumpay ng Pinangat ay maituturing na nagsimula sa inisyatibo ng 2D Culinaria ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na nakatuon sa pagkain at pagbibiyahe, at sumusuporta sa mga lutuing etniko at sa mga lokal na food producer.
Ang nasabing programa ay nagmula sa orihinal na Culinaria Albay, na naging matagumpay sa pagsusulong ng lokal na industriya ng pagkain at nagbigay-daan para makilala ang mga small at medium food producers at negosyante sa lalawigan.
Dahil na rin sa epektibong pakikibahagi sa mga nakalipas na pandaigdigang food expo, hiniling ng Department of Tourism na maging kinatawan ng Bicol Region ang 2D Culinaria Albay sa World Street Food Congress 2017 sa Mall of Asia sa Pasay City nitong Mayo 31-Hunyo 4.
Dalawa pang katutubong putahe ng probinsiya ang iprinisinta sa World Street Food Congress 2017, ang Bicol Express Risotto at ang Pinangat Burger. Kapwa magaganda ang natanggap na rebyu ng mga ito at napabilang sa “10 things to try at World Street Food Congress 2017” ng Spot.ph; “8 must-try dishes” ng interaksyon.com; at “7 local food picks” ng ABS-CBN.
Itinampok sa World Street Food Congress 2017 ang 28 sa pinakamahuhusay na Street Food Masters mula sa 12 bansa na limang araw na nagtagisan para kilalaning pinakamasarap. Dumalo sa event ang world-class chef at TV host na si Anthony Bourdain, at ang nag-organisa ng World Street Food na si Makansutra, ang photojournalist-entrepreneur na nagtatag ng KF Seetoh ng Singapore.
Lumahok din ang 2D Culinaria Albay sa Madrid Fusion Manila food exposition noong Abril 6-8 sa SMX Mall of Asia, at tatlong international chef at food writer mula sa Russia, London at Middle East ang kaagad na bumisita sa Albay at Sorsogon na, ayon kay Salceda, ay isang malinaw na pagkilala sa Culinaria Albay.