Ni: Mary Ann Santiago

Inaasahang balik-normal na ngayong Biyernes ang operasyon ng Metro Rail Transit Line (MRT)-3 na sa nakalipas na mga araw ay binawasan ng speed limit at ng biyahe dahil sa problemang teknikal at pagsasailalim sa safety check.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Rail Cesar Chavez, nagdoble-kayod ang kanilang mga manggagawa upang matapos kagabi (Huwebes) ang pag-iinspeksiyon sa mga tren ng MRT-3.

Dahil dito, aniya, ngayong Biyernes ay inaasahang magbabalik sa normal ang kanilang serbisyo. Matatandaang unang inihayag na sa Linggo pa magbabalik sa normal ang operasyon ng mga tren.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Ngayong gabi (Huwebes), inaasahan nating matatapos na lahat ng safety checks at bukas ng umaga, Biyernes, inaasahan nating balik na sa 20 trains during peak hours and 15 trains during non-peak hours,” ani Chavez.

Samantala, pansamantalang naantala kahapon ang biyahe ng Light Rail Transit Line (LRT)-1 sa pagkakadiskubre sa isang kahina-hinalang bag sa Roosevelt Station, sa Quezon City kahapon.

Ayon sa mga security officer ng LRT-1, dakong 8:45 ng umaga nang matagpuan ng mga concerned citizen ang isang bag sa loob ng tren sa istasyon.

Nadiskubre naman ng bomb squad ng Quezon City Police District (QCPD) na mga damit lang ang laman ng bag hanggang sa i-claim ito ng isang babae makalipas ang ilang minute.