NI: Genalyn D. Kabiling at Beth Camia
Mas dumami pa ang mga banyagang turista na bumisita sa Pilipinas nitong mga nakalipas na buwan, sinabi ng Malacañang kahapon, kinontra ang ulat ng World Economic Forum (WEF) na iniranggo ang bansa bilang isa sa pinakamapanganib puntahan.
“Contrary to the WEF report, tourism businesses are exposed to security risks. In spite of that, foreign tourists continue to increase steadily,” sabi ni Presidential spokesman Ernesto Abella sa Palace.
“There are just hiccups every once in a while but they continue to increase,” aniya kaugnay sa sa pagdating mga banyagang turista sa bansa.
Sa 2017 Travel and Tourism Competitiveness Report ng WEF, nasa pang-11 puwesto ang Pilipinas sa “most dangerous country for tourist.” Binanggit ng ulat na bukod sa pamamaril sa isang casino complex kamakailan, karaniwang dinudukot ang mga banyaga sa ilang bahagi ng Mindanao.
Nangunguna sa listahan ng mga bansang mapanganib para sa mga turista ang Colombia sinusundan ng Yemen, El Salvador, Pakistan, Nigeria, Venezuela, Egypt, Kenya, Honduras at Ukraine.
Gayunman, pinili ni Abella na bigyang-diin ang “positive” report sa visitor arrivals ng bansa, na umabot sa 1.78 milyon mula Enero hanggang Marso ngayong taon, kumpara sa 1.6 milyon sa parehong panahon noong 2016.
Iniugnay niya ang paglago ng tourism traffic sa pagdami ng flights patungo sa bansa.
Sinabi niya na 160,000 airline seats ang naidagdag ngayong taon na may bagong direct flights sa mga local secondary airport sa China at South Korea.
“In addition, in less than a year, we already have linked tourism deals with China, Cambodia, Thailand, and Turkey,” ani Abella.
“We should be looking up, you know. We don’t really focus on critics. We focus on actual work and processes. And there really is an increase, it’s quite positive,” diin niya.