MAKARAANG maglabasan ang balita na nagkakaloob ng ayudang teknikal ang Amerika sa sandatahan ng Pilipinas sa kasagsagan ng bakbakan sa nauugnay sa ISIS na Maute Group sa Marawi City, kaagad na sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya inimbitahan ang mga ito. Gayunman, aniya, ay labis siyang nagpapasalamat sa naitutulong ng mga ito.
Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na siya ang humingi ng tulong sa Amerika alinsunod sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng dalawang bansa. Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr. na binigyan sila ng AFP Commander-in-Chief — si Pangulong Duterte — ng “free hand” sa usapin ng paghingi ng ayuda sa Amerika.
Nagkakaloob ngayon ang mga sundalong Amerikano ng “technical assistance” nang “no boots on the ground”. Kabilang sa ayudang ito ang aerial surveillance, electronic eavesdropping, at pagtulong sa komunikasyon at pagsasanay. Isang P-3 Orion surveillance plane ng Amerika ang namataang lumilipad sa Marawi nitong Biyernes.
Maliwanag na kailangan natin ang tulong ng Amerika. Sa huling bilang nitong Linggo, nasa 58 sundalo at pulis na ang napapatay ng mga teroristang Maute, katuwang ang mga kaalyado nito sa Abu Sayyaf at ang mga dayuhang mandirigmang kasapi ng ISIS na sumalakay at kumubkob sa Marawi City. Labintatlong Marines, sa pangunguna ni 1st Lt. John Frederick Savellano ang napatay sa bakbakan. Sinabi ng militar na 138 sa mga kalaban at 20 sibilyan na rin ang nasawi sa labanan simula noong Mayo 23.
Ayon kay Pangulong Duterte, ipinaalam sa kanya ng security officials ng gobyerno na ang pag-atake sa Pilipinas ay ipinag-utos ng pinuno ng Islamic State, si Abu Bakr al-Baghdadi, bago napaulat ang pagkasawi nito sa isang air strike sa Syria nitong Sabado. Dagdag pa ni AFP chief of staff Gen. Eduardo Ano na base sa mga materyales na kanilang nasamsam at sa testimonya ng mga naarestong miyembro ng Maute, plano ng Maute-ISIS na kubkubin at kontrolin ang Marawi at ideklara ito bilang kauna-unahang caliphate territory ng Islamic State sa Pilipinas.
Hindi pa nagwawakas ang bakbakan sa Marawi. Nitong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, iginiit ng mga barangay chairman na itaas ang watawat ng Pilipinas sa mga barangay na una nang kinubkob ng Maute, ngunit sinabi nilang ilan sa mga liblib na barangay ang nananatiling kontrolado ng mga terorista. Kailangang lipulin ng tropa ng gobyerno ang lahat ng puwersa ng kaaway sa Marawi at saan man sa Mindanao, at ang ayuda ng Amerika, partikular sa surveillance, ay lubhang mahalaga. Kilala ang Amerika sa pagpapalipad ng mga drone sa mga lugar ng labanan sa mundo.
Magiging katanggap-tanggap din ang tulong mula sa iba pang banyagang pamahalaan, ayon kay Presidential Spokesman Abella, dahil ang laban kontra terorismo ay suliranin din ng maraming bansa sa mundo.