PATULOY ang programa para mapataas ang kalidad ng sports at ang katayuan ng para athletes sa pagbubuklod ng Philippine Paralympic Committee (PPC) at Philippine Sports Association for the Differently Abled (PHILSPADA).
Ibinida ni Michael Barredo, pangulo ng PPC , nitong Miyerkules na nakalikha ng programa na magpapa-angat sa abang kalagayan ng mga atletang may kapansanan matapos ang pagpupulong ng dalawang grupo at kanilang ipamamahagi sa iba’t ibang sports institution kabilang na ang Philippine Sports Commission (PSC).
Ayon kay Barredo, naipaalam na rin niya ang kasalukuyang kalagayan ng mga atleta sa pakikipagpulong kay Senator Juan Miguel Zubiri, chairman ng 2019 Southeast Games organizing committee.Aniya, nagkasunduan na nararapat na tugunan ang pangangailangan ng mga atleta para sa maayos na pagsasanay sa mga venues.
Sa isinagawang Philippine Para Sports Summit sa UP-Ayala Techno Hub sa Quezon City, sinabi ni coach Gerardo Rosario, senior PPC official, na hadlang sa malayang pagkilos ng mga atleta ang kakulangan ng ‘access’ sa mga training at competition venue sa bansa.
Sa pangunguna ni Barredo, nadinig sa Kongreso ang pangangailangan ng mga atleta na naging daan para maipasa ang Republic Act 7277o ang ‘Magna Carta for Disabled Persons’.
Hindi pahuhuli ang mga may kapansanang atleta sa pagbibigay ng karangalan sa bansa tulad ni Josephine Medina, bronze medalist sa 2nd Paralympics bronze medal noong 2016 Rio Paralympic Games. Noong 2000 Sydney Olympics, nagwagi ng bronze medal si powerlifter Adeline Dumapong-Ancheta.