Ni: Bella Gamotea

Hindi napakinabangan ng umano’y holdaper ang tinangay na cell phone at ilang personal na gamit ng isang babae nang mabaril at mapatay ng mga rumespondeng pulis sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.

Ilang tama ng bala sa katawan ang sanhi ng agarang pagkamatay ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), dakong 12:48 ng madaling araw, duguang bumulagta ang suspek matapos makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis sa panulukan ng Mactan at Claudio Street, Baclaran.

National

Orange warning, itinaas sa Metro Manila, mga kalapit na lugar

Una rito, naghihintay ng masasakyang taxi si Mia Cruz Santos, nasa hustong gulang, sa kanto ng Roxas Boulevard at Thomas Claudio nang sumulpot sa kanyang likuran ang isang lalaki at nagdeklara ng holdap.

Tinangay ng suspek ang cell phone at ilang personal na gamit ni Santos bago tumakas patungong Tomas Claudio Street.

Agad nakahingi ng tulong si Santos sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 at hinabol ang suspek.

Sa halip na sumuko, bumunot umano ng baril at pinaputukan ng suspek ang mga pulis na hindi nag-aksaya ng panahon na ibulagta ang una.

Bukod sa cell phone at mga personal na gamit ng biktima, narekober sa suspek ang isang caliber .38 revolver, dalawang basyo ng bala, isang pakete ng hinihinalang shabu at tatlong basyo ng bala ng .9mm baril.