Ni: Ric Valmonte

SA Korte Suprema, ibinunyag ni Solicitor General Calida na bago pa nagtungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang state visit sa Russia, alam na ng Palasyo ang plano ng grupo ng Maute na sasalakayin at kukubkubin ang Marawi.

Nabunyag na rin kamakailan na sa pakikipaglaban ng mga militar at ng mga pulis sa mga rebelde, kasama nila ang mga sundalo ng Amerika.

Ang tinuran ni Solgen Calida ay pagpapalakas sa posisyon ng Pangulo sa pagdedeklara nito ng martial law at pagsususpinde sa writ of habeas corpus sa Mindanao. Kung totoo nga naman na maaga pa lang ay alam na ang plano ng mga rebelde, ang sumunod na nangyaring bakbakan ay nagbigay ng sapat na dahilan sa Pangulo para ideklara ang martial law.

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Kailangan pang sa Korte ito mailahad dahil, ayon sa mga petisyong dinidinig upang ibasura ang martial law, wala umanong pananakop o rebelyon na naganap sa kabuuan ng Mindanao, partikular na sa Marawi, para gamitin ng Pangulo ang kanyang kapangyarihang ipasakop ito sa kontrol ng militar. Ang argumento ni Calida ay rebelyon na ang ginawa ng grupo ng Maute.

Alam kaya ng Kongreso itong inilahad ni Calida? Alam din kaya nito na katulong ng gobyerno sa pakikipaglaban ay ang mga sundalong Kano? Pero, batid man nila o hindi ang mga ito, magkasama na sanang nagtipon ang Senado at ang Kamara at ipinabasura ang martial law.

Paano kasi, lilisan pa lang noon ang Pangulo patungong Russia nang mabatid ng Palasyo ang plano ng Maute group. Kung isinaalang-alang ng Pangulo na nasa maselang sitwasyon ang Marawi, ipinakansela niya sana ang kanyang state visit sa Russia. Ginagawa naman niya ito kapag may mahalagang bagay na higit na nangangailangan ng kanyang atensiyon. Pinutol nga niya ang kanyang pagdalaw sa Russia dahil nais niyang asikasuhin ang nangyayari sa Marawi. Ang malaking problema, hindi na nga niya ipinagpaliban ang kanyang state visit, isinama pa niya ang matataas na opisyal ng mga sundalo at pulis, tulad nina DND Sec. Lorenzana, Gen. Año at PNP Chief Bato Dela Rosa na pinagkakatiwalaan niyang kayang gumanap ng tungkulin ayon sa kanyang pagnanais. Katunayan nga, nang ipatupad niya ang martial law, ginawa niya si Sec. Lorenzana na... administrator nito, si Año naman, implementor. Kung totoo na may plano ang mga rebelde na salakayin at kubkubin ang Marawi at maaga pa lang ay dumating na ito sa kaalaman ng Palasyo, napaghandaan sana ito ng gobyerno.

Nalagay sa magandang puwesto ang mga sundalo sa pagharap nila sa kalaban.

Ang layunin ng Pangulo sa pagdedeklara ng martial law ay upang madaling lupigin ang mga rebelde at mabilis na maibalik ang kapayapaan sa Marawi. Napakahina na ba ng Sandatahang Lakas ng bansa at napakalakas ng kalaban na kinakailangang gawin pa ito? Aba, eh tinutulungan na nga tayo ng ibang bansa sa pakikipaglaban sa mga rebelde at sa napakalimitadong lugar ng bakbakan. Hindi kaya biru-biro ang mga nangyayari bagamat ikinamatay na ng marami at ikinasisira na ng sibilisasyon sa Marawi.