Ni: MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA

Bulagta ang isang Hong Kong national, na naiulat na isang casino financier, matapos barilin ng maskaradong armado sa Parañaque City nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa pulis.

Kinilala ni Senior Inspector Allan Abaquita, hepe ng Parañaque police investigation unit, ang biktima na si Chong Weng Sum, 60, ng Binondo, Manila ngunit pansamantalang tumutuloy sa Baymont Suites and Residences sa Airport Road corner Mactan Street, Barangay Baclaran.

Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 9:30 ng gabi, nag-aabang ng masasakyang taxi si Sum sa Mactan Street nang lapitan ng suspek at binaril sa ulo.

'Maghahatid lang:' Ama ng nasawing bata sa NAIA, OFW na paalis na ng bansa

Naglakad patakas ang armado.

Una rito, sasamahan ni Sum, ayon kay Abaquita, ang kanyang nobya (hindi pinangalanan) na naglalaro ng casino.

Gayunman, ang masaya sanang gabi ay naging kahindik-hindik nang iparating sa nobya ng biktima ang insidente. Sinabi ni Abaquita na maaaring regular customer ang biktima sa casino dahil kilala ito at ang kanyang nobya ng mga security officials.

Ayon kay Abaquita, nagmamadaling pumunta sa pinangyarihan ang nobya ng biktima kung saan nakita nitong naliligo na ito sa sariling dugo.

Tinangka pang isugod sa San Juan De Dios Hospital ang biktima ngunit patay na ito.

Sinabi sa pulis ng nobya ni Sum na may kinalaman ang pamamaril sa pagiging casino financier ng biktima.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation sa insidente.