Ni: Bert de Guzman

MULING pinatunayan ng US na handa itong tumulong kapag nangangailangan ng ayuda ang Pilipinas. Pinayagan ni President Rodrigo Roa Duterte ang kanyang matataas na opisyal sa Defense Department at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpasiya kung hihingi ng tulong sa US military para labanan at durugin ang teroristang Maute Group (MG) na sumalakay sa Marawi City, naghasik ng lagim, takot at kamatayan.

Gayunman, binigyang-diin ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr. na ang tanging ipinagkaloob ng US special forces ay “technical assistance” sa tropa ng gobyerno na hirap na hirap sa pakikipagbakbakan sa IS-inspired Maute Group na pinamumunuan ng magkapatid na Maute--- sina Omar at Abdullah. Walang combat troops ang US.

Bulalas nga ng isang broadcast journalist sa radio-TV bilang kantiyaw sa pahayag ng maka-kaliwang Bayan Muna na kumokontra sa ayuda ng US: “Heto, ang mga Kano na naman ang tumutulong sa army soldiers laban sa mga terorista. Eh, nasaan ang China ninyo na nang-ookupa sa ating teritoryo sa West Philippine Sea?” Oo nga naman, nasaan si kaibigang China ng Pangulo?

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Isang self-styled socialist, binago ni Mano Digong ang foreign policy ng bansa sapul nang maupo sa puwesto. Nais niyang isulong ang independent foreign policy na naghahangad na makipagrelasyon sa iba pang mga bansa sa mundo. Katig ang mga Pilipino sa patakarang ito ni PRRD. Ang ipinagtataka lang nila ay kung bakit nais niyang humiwalay sa US at ibaling ang pakikipagkaibigan sa China at sa Russia. Tanong ng mga tao: “Hindi ba puwedeng makipagrelasyon sa China at sa Russia nang hindi naman makikipagkagalit sa US na matagal nang kaibigan at alyado ng Pilipinas?”

Malaking bilang o porsiyento ng sambayanang Pilipino ang hanggang ngayon ay malaki ang tiwala sa US at maliit ang tiwala sa China at sa Russia, batay sa surveys ng Social Weather Station at ng Pulse Asia. Kung hindi marahil napapayuhan at napipigilan ng ilang mataas na defense at military official si Pres. Rody, nais pa niyang itigil na ang ginagawang joint military exercises ng US at ng Pilipinas. Ang nais niya ay joint exercises sa China at sa Russia, pero mukhang hindi ito aprubado ng dalawang bansa.

Kung si PRRD na galit sa US dahil sa komento noon ni ex-US Pres. Barack Obama tungkol sa umano’y extrajudicial killings (EJKs) at human rights violations (HRVs) sa kampanya niya sa illegal drugs, nais niyang paalisin pa sa Mindanao ang small contingency of advisers ng US forces na nagkakaloob ng pagsasanay sa mga tropa ng gobyerno hinggil sa counter-terrorism.

Kung tuluyang lumayas ang mga Kano sa Mindanao, wala marahil ang importanteng technical assistance nito para giyahan ang mga sundalo kung saan naroroon at nagkukuta ang mga demonyong kampon ng Maute Group. Malaking tulong ang mga drone at eroplanong pinalilipad ng US sa ibabaw ang Marawi City upang malaman kung nasaan ang mga terorista.

Samantala, hindi nakadalo si Pres. Rody sa flag-raising sa Luneta kaugnay ng ika-119 na anibersaryo ng Araw ng Kasarinlan ng bansa. Sa halip, si Vice Pres. Leni Robredo ang nagtaas ng bandila kasama sina DFA Sec. Peter Alan Cayetano at Manila Mayor Joseph Estrada. Napuyat daw at napagod ang Pangulo dahil sa pagsalubong at pagbibigay-pugay sa mga namatay na Marines sa Marawi City na dumating sa Villamor Airbase.

Pero iba ang sapantaha ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Hindi talagang dumalo si PDu30 dahil naroroon si VP Leni. Umiiwas siyang makatagpo si VP dahil baka itanong sa kanya kung kailan ang kanilang dinner na alok nito noon.”