Ni: Argyll Cyrus B. Geducos
Sinabi ng Malacañang at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahapon na hindi kailangang nasa bansa ang matataas na opisyal ng militar para maharap ang pag-atake ng mga terorista sa Marawi City nitong nakaraang buwan.
Inilabas ang pahayag matapos mabunyag na mayroong impormasyon na ang Islamic State (ISIS)-inspired Maute Group, kasama ang Abu Sayyaf Group, ay naghahandang lumusob sa Marawi City, Lanao del Sur.
Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa Mindanao Hour press briefing kahapon ng umaga, na totoong may mga impormasyon ngunit ipinaabot na ito sa ground commanders.
“These matters were going to be related to ground commanders. However, there were sufficient information and the ground commanders themselves had said, ‘look, you can travel,’” sabi ni Abella.
Ayon kay AFP spokesperson Restituto Padilla, kailangan ang matataas na opisyal ng militar sa Moscow upang ipakitang seryoso ang bansa sa pakikipag-alyansa sa Russia.
“Historical po yung visit ng pagpunta sa Russia. Kinakailangan pong nandoon ‘yung mga pinakamataas na opisyal ng hukbong sandatahan upang ipakita yung commitment na nais nating simulan doon sa pagbubukas ng relasyon na iyon,” ani Padilla.
Nasa Moscow si Pangulong Rodrigo Duterte, kasama si Defense Secretary Delfin Lorenzana at matataas na opisyal ng militar para lagdaan ang defense agreement sa Russia nang maganap ang pag-atake sa Marawi City. Bunsod nito, pinutol ni Duterte ang kanyang pagbisita at agad na umuwi sa Mindanao.
Sinabi ni Padilla na hindi mahalaga kung nandito o nasa ibang bansa ang matataas na opisyal ng AFP dahil mayroong maasahang ground commanders na nakatalaga para bantayan ang sitwasyon.
“When any kind of trouble erupts anywhere in the Philippines, we have ground commanders who are very competently looking after the security situation in these areas--and we trust their judgment,” diin ni Padilla.
Ayon sa opisyal ng AFP, hindi kailangang nandoon mismo sa lugar ng engkuwentro ang opisyal para manduhan ang puwersa.
“It does not necessitate na dapat nandoon ang Chief-of-Staff. It does not necessitate na dapat lahat ng mga may estrella sa kanilang balikat ay naroroon para mag-direct. Hindi po ganoon ang nangyayari. Dapat po nandoon ang ground commander na siyang naatasan na mangalaga ng seguridad doon at siya ang gagalaw,” paliwanag niya.
“Ang atin pong ground commander, hinarap po ang banta dahil nakuha na nila yung useful intelligence,” ani Padilla.