Ni: Celo Lagmay
BAGAMAT sinasabing produkto lamang ng fake news o pekeng balita, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga sapantaha hinggil sa ‘spillover’ o paghugos sa Metro Manila ng mga terorista mula sa Mindanao. Ang mga bandidong naipit subalit nakapuslit sa digmaan sa Marawi City ay maaaring lumusob sa ibang lugar upang ipagpatuloy ang kanilang panliligalig.
Ang Maute Group, halimbawa, lalo na ang mga terrorist bombers nito, ay hindi malayong sumugod sa Metro Manila. Bahagi ito ng kanilang matinding simpatiya kay Cayamor Maute – ama ng magkapatid na sina Omar at Abdullah. Ang matandang Maute ay kasalukuyang nakapiit sa isang maximum detention cell sa Metro Manila. Siya ay nadakip sa Davao City kamakailan; naaresto na rin ang kanyang asawa na si Ominta ‘Farhana’ Romato samantalang siya ay palabas ng Marawi City. Hudyat kaya ito ng pagdagsa ng Maute Group hindi lamang sa Kamaynilaan kundi sa iba pang panig ng kapuluan?
Tulad ng ating inaasahan, dagli namang pinawi ng pamunuan ng National Capital Region Police Office ang pinangangambahan nating ‘spillover of bomb threats’. Naniniwala ako sa kahandaan ng pulisya at iba pang security agency ng gobyerno laban sa anumang pagbabanta na maaaring sumiklab anumang oras.
Gayunman, walang puwang ang pagtutulug-tulugan ng ating mga alagad ng batas sa tila-kidlat na pagsulpot ng mga terorista. Ang bahagi ng 301 bandido na ipinaaaresto ni Secretary Delfin Lorenzana, martial law administrator sa Mindanao, ay hindi rin malayong magtago sa Metro Manila upang maghasik ng sindak at karahasan.
Kabilang sa mga ipinadadakip ang mga miyembro, protektor, espiya at couriers ng apat na organisasyon ng mga terorista sa Mindanao, tulad ng Maute Group, Abu Sayyaf Group (ASG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Maguid Group. Ang mga ito ang utak ng mga pagpatay, pagkidnap at pambobomba, kaakibat ng kanilang layuning magtatag ng Islamic state sa Marawi City. Matitiyak ko na ang mapanganib na adhikaing ito ay natalasan ng ating mga awtoridad, dahilan upang sila ay kaagad ipaaresto kahit na saan sila naroroon. Nakapangingilabot na sila ay magmistulang huramentado habang nakikipaghabulan sa mga alagad ng batas.
Ito ang pagkakataon upang pakilusin ng administrasyon ang lahat ng ahensiyang panseguridad, lalo na ng intelligence units na bihasa sa pagkilatis ng anumang sitwasyon. Hindi tayo dapat maging kampante sapagkat ang mga kampon ni satanas, kabilang na ang mga terorista, ay posibleng bumulaga at humugos anumang oras.