Ni: Jean Fernando

Hindi nag-iwanan hanggang sa kamatayan ang mag-asawang tinambangan ng riding-in-tandem sa Las Piñas City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ni Sr. Supt. Marion Balonglong, hepe ng Las Piñas police, ang mga biktima na sina Engineer Felipe Yumol, 53, at Atty. Dolores, 57, ng 43 Circle Drive, VAA Homes 2, Barangay Talon 2, Las Piñas City.

Kapwa sila nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa Perpetual Help Hospital dahil sa mga tama ng bala ng baril sa katawan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sinabi ni Balonglong na base sa imbestigasyon na ipinadala sa kanya, naganap ang insidente sa panulukan ng Castillo at E. Trinidad Sts., San Isidro, Bgy. Pamplona 1, dakong 6:00 ng gabi.

Sinabi ng city police na ayon sa saksi, si Jayson Iglesia, 19, helper ng Barangay Pamplona I, Las Piñas City, sakay ang mga biktima sa kanilang Toyota Altis (ZJL-262) at binabaybay ang nabanggit na lugar nang sumulpot ang dalawang lalaki na lulan sa motorsiklong walang plaka at sila ay hinarang.

Ayon pa umano sa saksi, walang sabi-sabing pinagbabaril ng mga suspek ang mag-asawa sa ulo at katawan.

Habang isinusulat ito, sinabi ni Balonglong na hindi pa rin nila natutukoy ang motibo sa pamamaslang sa pagrespeto sa nagluluksang pamilya ng mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.