Ni: NORA CALDERON
MARAMI ang nagulat nang makita ang post ng Magpakailanman na magkasama sina Megan Young at Diether Ocampo. Pero tiyak na wala nang contract si Diether sa Kapamilya Network kaya tumanggap na siya ng trabaho sa Kapuso Network.
Sa Facebook page ng drama anthology ni Ms. Mel Tiangco, nakasaad na, “Sa Father’s Day special ng Magpakailanman this Saturday, June 17, abangan ang first TV appearance ni Diether Ocampo sa Kapuso Network.
“Tunghayan din ang unang pagtatambal nina Diether at ni Miss World 2013 Megan Young sa #Diether MeganOnMPK.
“Karamihan ng mga nanay ay itinataguyod ang breast feeding dahil sa magandang dulot nito sa kalusugan ng anak. Pero paano kung wala na ang ina para gawin ito? Makakayanan ba ng isang ama na gampanan ang responsibilidad bilang isang ‘breast feeding dad?’
Hindi na idinitalye sa FB post ng Magpakailanman kung ano ang buong istorya ng unang project ni Diether sa GMA-7 pero kaabang-abang panoorin si Diether sa muli niyang pagbabalik sa pag-arte dahil matagal-tagal na rin siyang nami-miss ng kanyang fans.
Napapanood ang Magpakailanman tuwing Sabado, pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA 7.
Tiyak na uusok ang social media sa mga komento ng televiewers sa Sabado dahil ayon naman sa posts ng Maalaala Mo Kaya, na direktang katapat ng Magpakailanman, si Piolo Pascual naman ang kanilang bida.
Gaganap ding responsableng ama si Piolo, pero na-stroke at naapektuhan ang pagkilos at pagsasalita.
Tuloy na tuloy pa rin talaga ang network war.