Ni: VANNE ELAINE P. TERRAZOLA, JUN RAMIREZ at JUN FABON
Ibinulagta ang isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Albert Enriquez, hepe ng tax assessment section ng BIR District Office (RDO) No. 28.
Inilarawan si Enriquez ng revenue officials at mga kasamahan bilang “masiyahin” at “sobrang higpit.”
Mula Marikina revenue district office (RDO), inilipat si Enriquez sa Novaliches RDO noong nakaraang taon. Una siyang itinalaga sa tax fraud division ng BIR.
Pagsapit ng 7:30 ng umaga kahapon, binaril ang biktima sa isang paradahan sa tabi ng Ambianza Apartelle sa West Avenue, Barangay Philam.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar, lumalabas na papasok na sa trabaho ang biktima nang barilin ito.
Ipinarada ni Enriquez ang kanyang puting sports utility vehicle sa harap ng nasabing apartelle, ilang metro mula sa BIR RDO 28 office. Hawak niya ang kanyang uniporme na nakasabit pa sa hanger nang matagpuan ang kanyang bangkay.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, napanood ang dalawang lalaki na lulan sa motorsiklo at inabangan ang biktima sa paradahan. Nang bumaba si Enriquez mula sa driver’s seat at kinuha ang kanyang uniporme, nilapitan siya ng nakaangkas na suspek at malapitang binaril sa ulo.
Agad namatay si Enriquez.
Ito ang ikalawang pagkakataon na may binaril na empleyado ng BIR sa Quezon City.