Ni: Jean Fernando

Isang sanggol ang nawawala habang dalawang bumbero ang sugatan sa limang oras na sunog sa siksikang residential area sa Pasay City, nitong Martes ng gabi.

Ayon sa Pasay City Bureau of Fire and Protection, nagsimula ang apoy dakong 9:31 ng gabi at naapula bandang 3:04 ng madaling araw.

Sinabi ng BFP na sumiklab ang apoy sa kahabaan ng Tramo Street corner Buendia, Pasay City kung saan aabot sa 40 pamilya ang nawalan ng tirahan.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon sa ina ng nawawalang sanggol, si Blessy Runes, iniwan niya ang kanyang limang buwang gulang na anak sa piling ng dalawa nitong kapatid, na nasa edad 8 at 2, upang hanapin ang kanyang mister.

Sinabi ni Runes na nagulat na lamang siya nang makitang nagliliyab na ang kanilang bahay at nasa labas ang dalawa niyang anak habang nawawala ang kanyang bunso.

Sinabi ng BFP na nagtulung-tulong ang mga residente sa pagpatay ng apoy ngunit mabilis pa ring kumalat sa 20 bahay na pawang gawa sa light materials.

Patuloy na inaalam ng awtoridad ang sanhi ng sunog, gayundin ang halaga ng ari-ariang natupok.