Ni: REGGEE BONOAN

ABUT-ABOT ang pasasalamat ng baguhang direktor na si Sigrid Andrea Bernardo kay Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairman Liza Diño dahil magkakaroon na ng commercial screening ang Ang Huling Cha-Cha ni Anita na pinagbibidahan nina Angel Aquino at Teri Malvar na isinali sa CineFilipino Film Festival 2013.

Mapapanood na sa Hunyo 16 hanggang 22 ang pelikula sa SM cinemas sa ginaganap na Cine Lokal Film Festival.

“Nagpapasalamat kami sa FDCP kasi nabigyan kami ng commercial screening sa SM Malls after four years, mabibigyan ng chance ang mga ganitong klase ng pelikula,” pahayag ni Direk Sigfrid.

Lolit Solis, sad sa resulta ng eleksyon para kay Bong Revilla

Eight years ago sinulat ni Direk Sigrid ang script ng Ang Huling Cha-Cha ni Anita na marami na siyang pinag-alukan hanggang makarating na sa ibang bansa, pero walang makuhang funds, kaya na-depress siya at naisip na baka hindi para sa kanya ang pagdidirek ng pelikula.

Pero puring-puri nina Direk Perci Intalan at Jun Lana ang kakaibang estilo ni Direk Sigrid bilang millennial director kaliga ni Prime Cruz na direktor naman ng Can We Still Be Friends nina Gerald Anderson at Arci Muñoz (Star Cinema).

Ang nakagugulat ay hindi tapos ang filmmaking course ni Direk Sigrid.

“Theater Arts po ako sa UP pero gustung-gusto ko pong magdirek, nauna lang talagang kurso ko ay theater arts.

Hanggang sa kinuha akong artista ni Direk Lav Diaz sa isang indie film niya, ‘tapos nag-apply po akong PA niya hanggang sa matutunan ko lahat. Naging clapper din ako, lahat pinag-aralan ko, kaya heto nakapagdirek din sa wakas,” masayang kuwento ng baguhang direktor.

Inamin ni Direk Sigrid na kinausap niya ng masinsinan si Teri sa mga sensitibong eksenang gagawin nito lalo’t kailangan nitong halikan si Angel Aquino sa labi.

Tumulong din kay Direk si Angel na kausapin si Teri at sinabing, “Isipin mo, mommy mo ang hahalikan mo.”

Nu’ng pumayag si Teri, nakailang takes at naintindihan naman ng lahat lalo na si Direk Sigrid dahil nga bata at sensitibo ang eksena.

Natanong si Direk Sigrid kung nagkaroon siya ng lesbian lover, dahil hindi naman niya ito masusulat ng maayos kung wala siyang experience.

“Oo naman, meron siyempre during the time po na ginagawa namin ang movie, I’m in a relationship, but now, I’m single.

And also, I don’t believe in labels.

“Actually, itong Ang Huling Cha-Cha ni Anita was inspired po sa kuwento nu’ng DOP (director of photography) ko sa movie, ano, na-in love rin siya sa isang Pilar (karakter ni Angel),” pag-amin ng direktora.

“I’m single now and I’m in a relationship with the same sex before,” sabi ni Direk Sigrid sa solo interview namin sa kanya. “I’m out naman with my parents, alam nila. Iba’t iba ako, eh, hindi lang ako for girls, I go for guys din and I had a relationship din with gay. Yes, sabi ko nga I don’t put label,” nakagugulat na kuwento sa amin.

Ang Idea First Company nina Direk Jun at Direk Perci ang nagma-manage ng career ni Direk Sigrid na nagpasalamat na ipina-pocket presscon sila nina Teri at Angel para magkaroon ng promo ang pelikula niya.

“Sana mapanood ng lahat, sana makabawi na kami, honestly hindi pa nababawi ang puhunan kasi puro small screenings lang kami noon, eh, magkano lang kinikita, napupunta lang sa mga dapat bayaran, like sa food ng production, mga pamasahe, ganu’n. Pero sobrang memorable sa akin itong movie kasi nanalong Best Film, Best Supporting Actress, Best Actress, at Best Acting Ensemble sa CineFilipino Film Festival noong 2013,” kuwento ni Direk Sigrid.