HANDANG maglaan ng tulong ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) at Filipino Chinese Amateur Athletic Federation (FCAAF) sa programa ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ipinahayag nina FFCCII president Domingo Yap at FCAAF chief William Gosiaco ang ayuda sa pagsasanay at pagpapalakas sa grassroots level ng mga atleta bilang tugon sa kampanya ng bansa na makapagwagi ng unang gintong medalya sa Olympics.

Nitong 2016 Rio Games, nakapag-uwi ng silver medal si weightlifter Hidilyn Diaz.

Ipinarating ng dalawang Chinese sportsman ang suporta sa Team Philippines sa isinagawang pagdiriwang sa ika-42 taong anibersaryo ng Philippine-China diplomatic relationship at 16th Filipino-Chinese Friendship Day na tinaguriang “2017 Filipino-Chinese Friendship Games.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kabilang sa mga dumalo sina Chinese Consul Wang Siao Tong at Philippine Sports Commission (PSC) Executive Director Atty. Carlo Abarquez sa pagdiriwang sa Chiang Kai Shiek College gym nitong weekend.

Kabilang sa mga sports na pinaglabanan ang table tennis, badminton, basketball at golf.

Sinabi ni Yap na matibay ang ugnayan ng dalawang bansa at ang suporta sa sports ay bahagi lamang sa isinusulong na programa para sa kaunlaran ng Pilipinas at China hindi lamang sports, kundi sa ekonomiya at turismo. (PNA)