Hinala ng awtoridad na may naganap na foul play sa pagkamatay ng isang kasambahay sa bahay ng kanyang employer sa isang high-class subdivision noong nakaraang linggo sa Quezon City.

Si Mary Jane Gozon, 30, ng Matalom, Leyte, ay natagpuang patay sa maids’ quarter sa bahay ng isang negosyante sa Jade Street, Meiling Village sa Barangay Pag-ibig sa Nayon noong Hunyo 7. Siya ay nakahiga sa kanyang kama hanggang sa nadiskubre ng mga kapwa niya katulong na siya ay namumutla habang sinisimulan ang mga gawaing bahay, bandang 6:00 ng umaga.

Masyadong malinis ang pagkamatay ni Gozon, ayon sa pulis. Walang bakas na pilit pinasok ang bahay. Wala ring naganap na komosyon bago siya natagpuang patay.

Ngunit base sa resulta ng autopsy: pinatay sa sakal si Gozon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

KAHINA-HINALANG PANGYAYARI

Isang police source ang nagsabi sa Balita na lalong tumindi ang kanilang paghihinala sa ilang pangyayari.

Nang dalhin si Gozon sa Manila Central University Hospital sa Caloocan City, isa sa mga employer, ayon sa source, ang nagsabi sa awtoridad na huwag isailalim sa autopsy ang biktima. Ayon sa source, sinabi umano ng employer na ito ay hiling ng kamag-anak ni Gozon.

Gayunman, hindi tinanggap ng awtoridad ang dahilan ng employer. “Only the relatives of the deceased can refuse the post-mortem examination,” sinabi ng source.

Ayon sa source, habang isinasagawa ang autopsy ay napansin ng mga imbestigador ang ligature mark sa leeg ng biktima.

“It was not seen in the cursory examination since it was covered by Mary Jane’s hair. It was also almost unnoticeable since it was light,” ayon sa source.

Naghihinala rin ang awtoridad sa “pagtanggi” ng mga employer at ng mga kasamahan ni Gozo na makipagtulungan sa imbestigasyon.

PAKIKIPAGKASUNDO SA MAGULANG?

Nagulat din ang awtoridad nang malaman na pinapirma ng abogado ng employer ang ina ni Gozon sa isang kasunduan kaugnay ng pagkamatay ng biktima.

Nitong Hunyo 11, nagtungo sa QCPD si Rosita Gozon, 55, upang magbigay ng statement sa pulis, na humihiling na makuha ang bangkay ng kanyang anak upang iuwi sa kanilang bahay sa Barangay Sto. Niño, Matalom, Leyte.

Sinabi ni Rosita na ibinalita sa kanya ng employer na namatay ang kanyang anak mula sa pagkakatulog, at pinapunta siya sa Meiling Village.

Nang tanungin kung ano ang kanilang ginawa sa bahay ng employer, sinabi ni Rosita na ipinakita sa kanya ang kama ng anak at pinapirma sa isang kasunduan.

“Pinapirma kami ng anak ko ng kasunduan na ang nilalaman (ay) ‘Hindi kami magdedemanda sa taong pumatay sa anak ko.’ Pero sasagutin nila lahat ng gastusin para maiuwi ang bangkay ng aking anak,” base sa statement ni Rosita.

(VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)