Mariing pinabulaanan ng Department of Tourism (DoT) ang alegasyong kinopya lang ng kagawaran ang konsepto ng “Experience the Philippines” ad mula sa patalastas ng South Africa na inilabas noong 2014.
Ang naturang tourism video ng DoT, na inilabas nitong Lunes, kasabay nang pagdiriwang ng ika-119 na Araw ng Kalayaan sa bansa, ay nagpapakita sa bulag na Japanese retiree na si M. Uchimura habang naglilibot sa mga kilalang tourist spot sa bansa.
Gayunman, ilang netizen ang nagsabi na ang naturang video ay may pagkakatulad sa isang lumang South African tourism ad, na tinampukan din ng isang bulag na dayuhan.
Ayon kay Tourism Assistant Secretary Frederick Alegre,bagamat may pagkakapareho ang dalawang ad, ibang-iba pa rin ang tourism ad ng DoT dahil ang bida sa video ay isang real-life retiree na sa Pilipinas piniling manatili.
“Our ad that was released yesterday was beautifully executed. While it has similarity with the ads of South Africa, the biggest difference really is that is a true story. The Japanese retiree is an actual retiree residing in the Philippines,” giit ni Alegre.
“We’d also like to add that we have been consistently putting out testimonials of foreigners in the Philippines and retirement is really a key pillar of the Department of Tourism,” dagdag pa ni Alegre. “The Philippines is actually one of the best places in the world for retirees and we’d like to believe that the feature about the Japanese retiree really expresses what they feel about the Philippines.”
Nilinaw din ni Alegre na nananatiling “It’s More Fun in the Philippines” ang tourism slogan ng DoT, at ang “Experience the Philippines” ay suporta lamang dito, at nakatuon sa mga tourist spot sa Northern Luzon.
(Mary Ann Santiago)