MAY dalawang magkapanabay na paksa ng interes at pangamba sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado ng Amerika na pangunahing tinatampukan ng testimonya ni dating Federal Bureau of Investigation (FBI) Director James Comey.
Ang isa ay ang anggulong pulitika na kinasasangkutan ng posibilidad na maharap si President Donald Trump sa kasong obstruction of justice sa ginawa niya kay Director Comey nang hilingin niya ritong itigil na ang imbestigasyon ng FBI laban sa dating national security adviser ni Trump na si Michael Flynn.
Natural lamang na nag-aalinlangan ang mga kapwa Republican ni President Trump sa US Congress na tutukan ang kaso kung ayaw nilang mauwi ito sa proseso ng impeachment laban kay Trump. Sa ngayon, sadsad na ang nakukuhang ratings ni Trump sa survey—57% negatibo laban sa 35% positibo sa isang survey na ginawa ngayong buwan—dahil sa maraming desisyon at hakbangin niya na hindi pinapaboran ng mamamayan ng Amerika.
Habang nalalapit ang mid-term elections sa 2018, nagpahayag ng pangamba ang mga Republican na hindi nakatutulong sa partido ang mga ginagawa ni President Trump. Ngunit sinabi ng mga opisyal ng partido, gaya ni Speaker Ryan Paul na dapat na bigyan ng sapat na panahon si Trump. Dahil sa kawalan ni Trump ng karanasan sa pulitika, masasabing hindi pa ito “steeped” upang maunawaan na hiwalay ang kapangyarihan ng FBI sa White House, komento ni Ryan tungkol sa imbestigasyon ng Senado.
Ngunit, gaya ng binigyang-diin ng komite ng Senado sa pagsisimula ng pagsisiyasat kay Comey, mayroong mas malalim at mas mahalagang dahilan sa nasabing imbestigasyon, at ito ay ang tukuyin kung gaano kaseryoso ang hacking ng Russia sa katatapos na eleksiyon sa Amerika. Iniimbestigahan ng FBI ang mga ulat ng sabwatan sa pagitan ng mga opisyal ng Russia at ng mga nangampanya para kay Trump nang makipag-usap ang huli kay Comey, na kalaunan ay sinibak nito sa puwesto.
Ito ang higit na pinangangambahan ng maraming opisyal sa Amerika, dahil malaking banta ito sa pinakadiwa ng demokrasya ng Amerika — ang paghahalal sa presidente ng bansa. Una nang itinanggi ni Russian President Vladimir Putin na nagkaroon ng hacking noong panahon pa ng kampanya, ngunit kalaunan ay inamin na posibleng ilang “patriotic Russians” ang gumawa nito.
Sa eleksiyon noong 2016, pinaniniwalaang nagpakalat ang mga Russian hacker ng campaign materials laban sa katunggali ni Trump na si Hillary Clinton. Ilang nangangampanya para kay Trump ang umano’y nakipagpulong sa mga Russian, kabilang na ang security adviser na si Flynn na kalaunan ay sinibak din ni Trump. Ang sariling manugang ng Presidente, ang senior White House adviser na si Jared Kushner, ay nakipagkita sa mga Russian intelligence officer at humiling umano ng ligtas na contact channel sa pagitan nila.
Itinalaga ng US Department of Justice ang isang special counsel — si Robert Mueller — upang pamunuan ang FBI. Subalit magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado. Sa pagitan ng dalawang pagsisiyasat — ang ehekutibo at lehislatibo — umaasa ang mamamayan ng Amerika sa kumpletong detalye ng usapin na masusi nilang sinusubaybayan, higit kanino man sa mundo.