Limang pulis at limang sibilyan na tatlong linggo nang trapped sa lugar na pinaglulunggaan ng Maute Group ang na-rescue ng militar at pulisya kahapon ng umaga.

Napaulat na nawawala noong unang linggo ng pagsalakay ng Maute sa Marawi City, kinilala ang mga nailigtas na pulis na sina PO3 Ricky S. Alawi, 46; PO1 Ibrahim P. Wahab, 32; PO1 Lumna B. Lidasan, 44; PO1 Esmael M. Adao, 34; at PO1 Bernard A. Villaries, 52, pawang operatiba ng Marawi City Police.

Na-rescue ang mga pulis ng mga operatiba ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), Regional Public Safety Battalion ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at militar.

Kinilala naman ang mga sibilyan—na nailigtas sa Bangolo Bridge sa Marawi—na sina Jeneber Velasques, 26; Rodel Alico, 24; Mateo Velasques, 33; Analices Mari, 32; at isang 16-anyos na lalaki, pawang construction worker mula sa Sitio Panadtaran, Barangay Gumagamot, Lala, Lanao del Norte.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ayon sa limang sibilyan, kumatok ang mga terorista sa bahay na tatlong linggo na nilang pinagkukublian, kasama ang 13 iba pang sibilyan, kaya nagtakbuhan sila palabas ng back door at dumiretso sa ilog.

Hinabol, anila, sila ng mga terorista at pinagbabaril kaya namatay ang lima sa kanila. Naabutan naman ng Maute ang walong iba pa at ginawang bihag.

Kapwa may sugat sa paa at kaagad namang ginamot sina Velasques at Alico.

Ang nasabing mga sibilyan ay mula sa compound ng Masjid Al-Imam Ali sa Bgy. Cadingilan, Marawi City.

60 PULIS-LANAO NAWAWALA?

Kaugnay nito, napaulat na sa kabuuan ay mahigit 60 pulis sa Lanao del Sur ang nawawala simula nang salakayin ng Maute ang Marawi nitong Mayo 23.

Ayon sa ilang source at sa ilang kaanak ng mga nasabing pulis, maging ang mga awtoridad ay tumatangging sabihin sa kanila ang tungkol sa pagkawala ng kanilang mga kaanak.

“Nag-aalala na kami. Walang balita tungkol sa kanila hanggang ngayon. Ayaw namang ihayag ng mga hepe nila na nawawala sila,” sabi ng isang mamamahayag, batay sa kuwento ng kaanak ng isa sa mga pulis.

Ayon sa mga source mula sa Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-ARMM) hindi ma-contact ang nasa mahigit 60 pulis simula noong Mayo 23.

Sinasabi ring ito ang isa sa mga dahilan sa pagkakasibak sa puwesto kamakailan kay Lanao del Sur Police Provincial Office director, Senior Supt. Oscar Nantes. (FRANCIS WAKEFIELD, FER TABOY, at ALI MACABALANG)