MAS masaya ang buhay kapiling ang mga Pilipino.

Ito ang opinyon ng isang bulag at matandang turista mula sa Japan, si Mr. Uchimura, sa bagong campaign advertisement ng Department of Tourism na inilunsad kahapon, sa isa sa mga tradisyunal na seremonya para sa Araw ng Kalayaan.

Una nang ipinanood sa mga mamamahayag ang nasabing anunsiyo noong nakaraang linggo.

Makikita sa bagong anunsiyo si Uchimura habang “experiencing” ang mga aktibidad sa mga pangunahing dayuhin ng turista sa bansa, kabilang ang paglilibot sa mga isla ng Hundred Islands sa Pangasinan, pag-indak kasama ng mga katutubo sa Banaue Rice Terraces sa Ifugao, pag-angkas sa likurang upuan sa ATV ride sa Paoay Sand Dunes ng Laoag, at pamamasyal sa Calle Crisologo sa Vigan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Here, you don’t have to see the sun to discover radiance; you don’t have to see the colors to experience vibrance; you don’t have to see smiles to know you are safe; you don’t have to see to feel you are home,” sabi sa voice over ni Uchimura.

Sa dulo na lamang ng 60-minutong ad nabunyag na si Uchimura — na nakasuot ng sunglasses — ay isang bulag na gumagamit ng tungkod upang malibot ang Calle Crisologo.

Sa pagmemeryenda ni Uchimura kasama ng mga taga-Vigan ay inilibre pa siya ng isang lalaki sa pagbabayad, na labis naman niyang pinasalamatan.

Sa bahaging ipinakita siyang naglalakad sa Calle Crisologo ay sumulpot sa screen ang mga salitang “Life feels better when with Filipinos”. Sa dulo ng anunsiyo, bumandera ang tatlong salita: “Experience the Philippines.”

Sa isang press conference, sinabi ni Department of Tourism Undersecretary Kat de Castro na ang bagong anunsiyo ng kagawaran ay batay sa tunay na karanasan ng isang turista na nagpasyang sa Pilipinas na lamang magretiro.

Aniya, layunin ng anunsiyo na isulong ang turismong bukas para sa mga may kapansanan at matatanda o mga retirado.

“Eventually, the ad will make its way to emerging markets and will be shown worldwide,” sabi pa ni Undersecretary De Castro. (PNA)