HINDI lang ang Pilipinas ang nahaharap sa banta at lupit ng terorismo kundi maging ang iba pang mga bansa sa mundo.
Para kay Manila Rep. Manuel “Manny” Lopez (First District), matindi ang banta ng terorismo na hindi dapat balewalain o ipagkibit-balikat lang. Hiniling ni Manny, anak ng dating alkalde ng Maynila na si Mel Lopez, sa lider ng Kamara na kung maaari ay pagtibayin agad ang HB 5382 o ang “Terrorism Threat Deterrence Act of 2017”.
Layunin ng panukala na makipagtulungan ang lahat ng kompanya ng telekomunikasyon, internet service providers at social media networks, sa paglikha ng epektibong mekanismo sa pagtukoy ng mga gawaing terorismo at mahadlangan ang kanilang mga plano. Kapag naging ganap na batas ito, oobligahin ang telecommunication companies na irehistro ng mga prepaid user ang paggamit ng ID’s na inisyu ng pamahalaan at barangay certificate na sila ay may good moral character.
Dahil dito, matityak at malalaman kung gagamitin ang cell phone at iba pang gadgets sa ilegal na gawain o terorismo.
Ayon kay Lopez, vice chairman ng House committee on Metro Manila Development, oobligahin din ang mga dayuhang bumili at gumagamit ng cell phone na ibigay ang kanilang pasaporte na nagtataglay ng validity at awtoridad ng pananatili nila sa bansa.
Lahat ng gagamit sa social media, gaya ng Facebook, Twitter, Instagram at mga katulad, na bago sila payagang gumamit ng mga ito ay kailangang maberipika ang kanilang pagkakilanlan (identity) sa pamamagitan ng pagsusumite ng balidong ID na inisyu ng pamahalaaan.
Makatutulong ito sa pagsugpo o pagpigil sa sunud-sunod na terrorist attacks na naganap sa Quiapo, Maynila, Marawi City, at maging sa ibang bansa tulad sa Manchester City, London Bridge, United Kingdom, Paris, Brussels, at iba pa.
Gumagamit daw ang mga terorista ng Internet at mobile phones sa paglulunsad ng pag-atake at paminsala.
Ikinalungkot ni lopez na ang mga bantang kinakaharap ng bansa sa terorismo ay nangyayari gamit ang Internet at mobile
phones.
Hindi makapaniwala ang publiko kung bakit humihingi ng ayuda si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa MILF, MNLF at maging sa CPP-NPA sa paglaban sa teroristang Maute Group (MG) gayong ang AFP at PNP ay mayroon namang humigit-kumulang na tig-150,000 tauhan? Ito raw ba ay pag-amin ni Mano Digong na wala siyang tiwala sa kakayahan ng mga sundalo at pulis na lagi niyang binibisita sa kanilang mga kampo para palakasin ang loob?
Kaugnay nito, tinanggihan ng Malacañang ang alok na tulong ng New People’s Army dahil hinihinging kapalit nito ay pagbawi ni PRRD sa martial law sa Mindanao. Ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella, kung nais tumulong ng CPP-... NPA sa pagsugpo sa terorismo sa Mindanao, hindi dapat maglahad ng mga kondisyon.
Sumingit na naman ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko. “Siguro ay nanginginig na ang mga tumbong ng mga mambabatas na sangkot sa umano’y pork barrel scam (PDAF) dahil maghahain ng kaso si Janet Lim-Napoles laban sa kanila. Sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na 120 pang senador at kongresista ang pangangalanan ng umano’y Pork Barrel Queen sa susunod na linggo. Sinu-sino kayo? Totoo ba ito, Sec. Vit? (Bert de Guzman)