Hinihimok ng maraming panig ang Supreme Court (SC) na aksiyunan ang mga usapin na nasa sentro ng pambansang atensiyon at alalahanin. Mayroong tatlong isyu na nagsusumigaw ng atensiyon nito.
Halos araw-araw, mayroong mga ulat ng mabagal na Internet sa bansa – kung paanong ang Pilipinas ang may pinakamabagal sa mga bansa sa Asia-Pacific sa 4.5 megabits per second, kumpara sa 26.1 mbps ng South Korea, na nakahahadlang sa ating economic development sa mundong labis na nakaasa sa Internet sa kasalukuyan.
Sampung taon na ang nakalipas, nabili ng dalawang pangunahing sistema sa bansa, ang Smart at Globe, ang malaking frequency mula sa San Miguel Corp., na ayon sa kanila ay magpapabuti sa kanilang mga serbisyo sa loob ng 12 buwan.
Gayunman, pumagitna ang Philippine Competition Commission, para pigilin ang kasunduan dahil maaaring makasagabal diumano ito sa pagpasok ng pangatlong telecom firm; dumulog ito sa Court of Appeals at kalaunan ay sa Supreme Court.
Ang lahat ay nakabitin ngayon hanggang sa makapagdesisyon ang Supreme Court sa halos isang taon nang kaso.
At nariyan rin ang poll protest na inihain ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal (PET). Ang PET, na humahawak sa lahat ng presidential at vice-presidential poll cases, ay binubuo ng lahat ng mga miyembro ng Supreme Court.
Matapos maglagak ng P36 milyong kinakailangan para sa poll protests para tustusan ang mga gastusin, hiniling ni Marcos sa PET/SC na magtalaga ng tatlong hearing commissioner upang mapabilis ang proceedings. Maaaring hindi matapos ng isang commissioner ang napakaraming trabaho sa loob ng napakalimitadong oras, o bago magtapos ang anim na taong termino ng vice president. Itinakda ng PET/SC ang pagdinig sa mga isyu sa protesta ni Marcos sa Hunyo 21.
At ngayon ay ang napakahalagang isyu sa batas militar. Tatlong petisyon ang nakahain sa Supreme Court, isang humihiling sa korte na ipawalang-bisa ang martial law dahil sa kakulangan ng sapat na batayan at dalawang humihiling sa korte na magtipun-tipon ang Kongreso sa isang sesyon, para pagbotohan ang proklamasyon na hinihiling ng Konstitusyon.
Kapwa nagpasa na ng resolusyon ang Senado at Kamara sa magkahiwalay din nilang sinang-ayunan ang proklamasyon, ngunit kulang ito sa constitutional requirement na magkatuwang na pagboto ng Kongreso sa isyu ng martial law, na isang simpleng mayorya ang kailangan para ito ay ipawalang bisa. Kung ikokonsidera ang suportang ipinahayag ng karamihan ng mga miyembro ng Kongreso, malabong ibasura ng Kongreso ang martial law, ngunit kailangan itong tukuyin, sa paraang nakasaad sa Konstitusyon – sa joint voting, kung saan ang bawat miyembro ay kailangang manindigan para mabilang ang kanilang boto,
Napakaraming kaso ang ngayon ay nakaatang sa Supreme Court ngunit ang tatlong ito ay napakahalaga na kailangan nila ng masinsinang pag-aaral at atensiyon at mabilis na aksiyon. Napagtanto natin na ang buong sistema ng korte sa bansa ay lubhang overloaded at kabilang na dito ang Supreme Court. Ngunit sa panahong mabilis ang takbo ng lahat ng bagay, sa napakaraming mahalagang isyu sa bansa, umaasa at tiwala tayo na patutunayan ng korte na kaya nito ang trabaho at mabigyan ang mga kasong ito ng pinakamataas na prayoridad at madesisyunan ang mga ito.