ANG alyansa ng mga educator na nananawagan na bawiin na ang martial law ay nagsagawa ng news briefing kamakailan.

Dito nagsalita si professor Darwin Absari ng Institute of Islamic Studies ng Unibersidad ng Pilipinas. Sabi niya:

“Karamihan sa mga sumusulpot na rebelde ay mga inulila ng digmaan.” Wala, aniya, silang idolohiya at direksiyon. Wala umano silang alam kundi magdala ng armas at sumigaw ng “Allahu Akbar” (Allah is great) nang hindi naiintindihan ang Islam. Nang ideklara, aniya, ni dating Pangulong Marcos ang batas militar at naging target ng militar ang komunidad ng mga Moro, dumami ang rebelde sa Mindanao. Hindi pa raw naghihilom ang sugat na dulot nito, inuulit itong muli.

Ayon pa kay Absari, sa halip na lupugin ang rebelyon sa kampanyang ginawa ngayon ng militar sa ilalim ng martial law ni Pangulong Digong, gumagawa tayo ng maraming kalaban. Karamihan daw sa mga bagong henerasyon ng mga rebelde ay hindi nakapag-aral. “Walang duda”, sabi naman ni Thomas Korut Samuel, director ng research and publications ng Southeast Asia Regional Center for Counterterrorism, “na ang mga kabataan ay nagsisimula nang gumanap ng mahalagang papel sa terorismo.”

Night Owl

Kailangan mong bumoto

Talagang ganito ang mangyayari. Pano kasi, mahigit 22,000 mag-aaral ang pinaalis sa Marawi ng digmaang itinaguyod ng martial law ng Pangulo, ayon sa statistics ng Department of Education. Sa nasabing bilang, 2,400 lang ang nakapasok sa mga paaralan sa iba’t ibang rehiyon kasama ang 171 nasa Metro Manila. Sa mga eskuwelahan sa Marawi, 132 ang nanatiling sarado kahit nag-uumpisa na ang klase at 2,200 guro ang nagsilikas dahil sa kaguluhan, ayon naman kay Alliance of Concerned Teachers president Benjamin Valbuena.

“Ang ikinababahala namin,” sabi pa ni Absari, “ay baka hindi na makapag-aral ang mga kabataan dahil nag-iba na ang mga eskuwelahan.” Hindi rin daw siya naniniwala na makapag-aaral nang maayos ang nakapasok sa iba’t ibang eskuwelahan sa mga rehiyon dahil galing nga sila sa digmaan at malayo sa pamilya. Aniya, kahit masupil ang mga Maute sa Marawi, laging may susulpot na bagong henerasyon ng mga mandirigmang Moro kung hindi malalapatan ng lunas ang mga problema ng kahirapan at kaunlaran ng Mindanao.

Tama si Pangulong Digong noong una nang sabihin niyang hindi pinaganda ng Marcos’ martial law ang buhay ng sambayanan. Pero, bakit niya ito inulit bagamat sa limitadong lugar ng Mindanao? Baka sa paglabas ng artikulong ito ay natupad na ng Pangulo ang pangako niyang iwawagayway ang bandila ng bansa sa bawat sulok ng Marawi sa Araw ng Kasarinlan. Pero, ano ang mensaheng ilalahad nito, na nanalo ang gobyerno laban sa mga Maute group at mga kaalyado nitong ISIS? Eh, ayon sa mga nag-aaral ng martial law at epekto nito, bagong grupo ng mga batang mandirigmang Moro ang sisibol na ang tanging alam ay magdala ng armas. (Ric Valmonte)