ABU DHABI (AFP) – Ang air embargo na ipinataw sa Qatar ay para lamang sa mga airline na nagmula sa Qatar o nakarehistro roon, nilinaw ng United Arab Emirates Civil Aviation Authority kahapon.
Naglabas ang Saudi Arabia at Bahrain ng parehong pahayag sa air embargo, na nagkabisa nang putulin ng Riyadh, Abu Dhabi at Manama ang kanilang relasyon sa Qatar noong Hunyo 5, sa akusasyong sinusuportahan nito ang terorismo.
Ipinagbabawal ng embargo ang lahat ng ‘’Qatari aviation companies and aircraft registered in the state of Qatar’’ na lumapag o dumaan sa airspace ng Emirates, Saudi Arabia at Bahrain.
Hindi kasama sa ban ang aviation companies at aircraft na hindi nakarehistro sa Qatar at nais na tumawid sa airspace ng tatlong bansa patungo at pabalik mula Qatar, anila.