Kasong estafa ang isinampa laban sa isang lalaki, na nagpakilala umanong empleyado ng National Housing Authority (NHA), matapos bumagsak sa mga kamay ng tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), iniulat kahapon.
Sa report ni QCPD Director Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang suspek na si Isagani Sarmiento, 58, ng Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Kasalukuyang nakapiit si Sarmiento sa Batasan Police Station makaraang sampahan ng kasong large scale estafa sa Quezon City Prosecutors office.
Base sa imbestigasyon, bandang 9:00 ng umaga, inaresto ang suspek sa follow-up operation ng mga tauhan ng Batasan Police-Station 6 sa Kamuning, EDSA, Quezon City.
Una rito nagreklamo sa pulisya sina Eduardo Fernandez, 49, at Laiza Delas Alas, 26, kapwa ng Lacatan Street, Bgy. Batasan Hills.
Ayon sa mga biktima, pinangakuan sila ng suspek ng relokasyon at mabilis na paglipat kapalit ng P10,000. (Jun Fabon)