Patay ang dalawang armado sa pakikipagbarilan sa mga tauhan ng Batasan Police Station (PS-6) matapos umanong manggulo sa kapitbahay sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar, naganap ang engkuwentro sa Veterans Trail, Area 5, Sitio Veterans, Barangay Bagong Silangan, Quezon City, dakong 4:30 madaling araw.
Kinilala ni Eleazar ang mga napatay na suspek na sina Toto Agno o Jareed Caduada at Dos Valerio, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Area 5, Sitio Veterans, Bgy. Bagong Silangan.
Lumalabas na bago nagkaputukan, nagreklamo at humingi ng tulong sa PS-6 sina Keziah Amor Villar at Cyra Herras dahil sa umano’y panggugulo ng lasing na mga suspek sa burol ng kanilang kaanak.
Sinabi pa umano ng suspek na, “‘Subukan n’yo akong black-ayan, magkakaroon ng resbak bukas, ako pa? Miyembro ako ng Maute,” habang dalawang beses nagpaputok ng baril si Valerio.
Gayunman, nang makita ang rumerespondeng alagad ng batas, kumaripas ang mga suspek. Nagkaroon ng habulan at nang makorner, pinaputukan ang mga pulis na agad ding gumanti, at napuruhan ang mga suspek. Tinangka pa silang isugod sa East Avenue Medical Center ngunit namatay din.
Narekober ng SOCO team at ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) investigators ang isang caliber .38 revolver na may tatlong bala, isang improvised handgun, at kutsilyo. (Francis T. Wakefield)