Pinayagan na makapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan ang isang police officer na nakulong sa loob ng 11 taon dahil sa umano’y pagpatay sa kanyang misis, matapos ituring ng Quezon City court na mahina ang ebidensiya laban sa kanya.
Sa dalawang pahinang kautusan, pinayagan ni Assisting Judge Genie Gapas-Agbada ng QC Regional Trial Court Branch 221 na makapagpiyansa ng P40,000 si Police Officer 1 Dante Reyes.
Kinasuhan si Reyes ng parricide dahil sa umano’y pagpatay kay Khristine sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City noong Pebrero 18, 2004.
Ayon sa prosekusyon, binaril ng suspek, gamit ang 9mm Petro Barretta, ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Ngunit sa isang memorandum na inihain ng legal counsel ng akusado, si Berteni “Toto” Causing, sinabi niya na lahat ng ebidensiya na isinumite ng prosekusyon ay pawang mahina upang suportahan ang akusasyong pinatay ng kanyang kliyente ang biktima.
Sa kanyang memorandum, sinabi ni Causing na bigo ang prosekusyon na ipakita ang certificate of marriage ng akusado at ng biktima na magpapatunay sa “simple fact of marriage” na kinakailangan para sa kasong parricide laban kay Reyes.
“To accuse somebody committing a crime, one cannot just assume. He or she must present evidence. In cases of parricide committed by means of killing a spouse, it cannot be presumed that the killer and the killed were spouses of each other,” base sa memorandum.
Idinagdag ni Causing na sa pagkabigo ng prosekusyon na ipakita ang certificate of marriage, kinakailangang aprubahan ang petition for bail.
“It is stressed that without that proof that the accused is married to the victim, then it cannot be said that there is a strong evidence of parricide,” dagdag ni Causing sa kanyang memorandum. (Chito A. Chavez)