NAGPASIKLAB ang magkakampanya sa Amerika na si Romeo “Ruthless” Duno nang patulugin sa 2nd round si Jason Tinampay sa main event ng “Brawl at the Mall: The Homecoming” kamakalawa ng gabi sa Robinsons Mall Atrium sa General Santos City, South Cotabato.

Pinakiramdaman muna ni Duno ang estilo ni Tinampay sa 1st round ngunit pagsapit ng 2nd round ay apat na beses niyang pinabagsak ang karibal kaya itinigil ng referee ang sagupaan.

May kontrata si Duno sa Golden Boy Promotions ni multi-division world champion Oscar dela Hoya at napaganda ng kasalukuyang WBC Youth Intercontinental champion ang kanyang rekord sa 14-1-0 na may 13 panalo sa knockouts.

“Duno really improved a lot. He is far different fighter when he came to Sanman a couple of years ago. He is a world-class fighter and he showed his last victory in Los Angeles was not plain luck. Great victory for Duno,” sabi sa Philboxing.com ng kanyang promoter sa Pilipinas na si Jim Claude Manangquil ng Sanman Promotions.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kaagad pinapirma si Duno ni Dela Hoya matapos ang kanyang 2ndround knockout na panalo sa dating walang talong si Christian Gonzalez ng Mexico noong nakaraang Marso 10 sa Belasco Theatre sa Los Angeles, California. - Gilbert Espeña