Astana, Kazakhstan – Walang karanasan, ngunit hindi nagpaalam sa maagang laban si Carlo Paalam para iwagayway ang bandila ng bansa sa prestihiyosong President’s Cup nitong Linggo dito.

Carlo Paalam
Carlo Paalam
Sa edad na 19-anyos, palaban at walang takot na nakihamok ang pambato ng Cagayan de Oro City upang sandigan ang Team Philippines sa pagkabokya at biguin ang host na walisin ang torneo sa impresibong panalo sa 49 kilogram flyweight class.

Ginapi ni Paalam, kabilang sa boxing team na suportado ni Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno, ang crowd-favorite na si Askhat Zhusupov sa puntos para maiuwi ang gintong medalya at tanghaling tanging foreign boxer na nanguna sa podium.

Malakas at mabilis ang karibal na Kazakh, ngunit nagamit ni Paalam ang taas at haba ng mga bisig para makakuha ng krusyal na puntos sa bawat round.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Tanging si Paalam ang nakasingit sa dominasyon ng Kazakstan na pinawagihan ang 12 sa 13 class division.

Tumapos lamang ng silver ang mga fighter mula sa pamosong Uzbekistan, Russia, India at Korea.

Kinapos ang beteranong si Mario Fernandez, miyembro rin ng Philippine Air Force mula sa Bukidnon at 2015 SEA Games gold medalist, nang maungusan ni World Series of Boxing and AIBA Pro Boxing mainstay Ilyas Suleymenov ng Kazakhstan sa bantamweight finals.

Si Suleymenov ay sumabak na rin sa 2012 London Olympics.

Impresibo si Fernandez sa quarterfinals nang maitala ang natatanging knockout win kontra sa karibal mula sa South Korea.

Sa distaff side, kinapos din si 2014 World Championship silver medalist Nesthy Pretecio ng Davao del Sur kontra Kazakh Rimma Volosenko, 3-2 sa semifinals.

Kaagad na nagpahatid ng pagbati sa Team Philippines si ABAP president Ricky Vargas, partikular kay Paalam na aniya’y “future of Philippine boxing”.

“Stay focused, disciplined and determined and the future is yours. Good job!” sambit ni Vargas.

Kasama rin sa koponan sina coach Pat Gaspi, Romeo Brin at Roel Velasco. Kabilang sa koponan sina Ian Clark Bautista, Joel Bacho at Irish Magno.