nina Fer Taboy at Beth Camia

Umabot na sa 230 ang napatay sa patuloy na bakbakan sa Marawi City, iniulat kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa AFP, umabot sa 136 ang napatay na miyembro ng Maute Group, kabilang ang magkapatid na sina Omar at Madie Maute, at 58 ang nasawi sa mga sundalo at pulisya habang 36 na sibilyan ang napatay.

Nadagdag sa bilang ng mga namatay sa tropa ng mga sundalo ang 13 Marines na lumusob sa mga kalaban noong Sabado.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi rin ng AFP na 300 na ang nasugatan at pawang nasa pagamutan.

Ipinagluluksa naman ng Malacañang ang pagkasawi ng 13 Marines noong Biyernes.

Sa isang statement, ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang pagkasawi ng Marines, bagamat kanilang ikinalulungkot, ay nagbibigay ng motibasyon upang wakasan na ang halos apat na linggong labanan sa Marawi.

Samantala, naniniwala ang militar na namumugad sa lugar, kung saan napatay ang 13 Marines, ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon at ang mga banyagang terorista.

Nanindigan din ang militar na hindi pa nakalalabas ng Marawi si Hapilon.

Ayon kay Armed Forces spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, malaki ang paniniwala nilang nagtatago sa Marawi si Hapilon.

“Paniwala pa po kami na si Hapilon ay nariyan pa po sa Marawi dahil nakita namin na matindi ang kanilang depensa. Wala pa po kaming eksaktong bilang ung ilan pa po sila, estimate po natin ay may ilan pa po pero exact figure po ay hindi namin masabi,” saad ni Padilla.