Ni Samuel Medenilla at AFP
Mahigpit na binabantayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang galaw ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa mga bansang pumutol ng relasyon sa Qatar.
Ito ay kasunod ng napipintong pagpaso ng palugit na ibinigay ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA), United Arab Emirates (UAE) at Bahrain para sa mga Qatari national, maliban sa mga pilgrim, na umalis sa kanilang mga bansa sa loob ng 14 araw matapos sumiklab ang hidwaan sa Qatar noong nakaraang linggo.
Sa isang panayam, sinabi ni Labor Undersecretary Dominador Say na nababahala sila sa mga huling kaganapan dahil maaaring isama ng ilang pinapalayas na Qatari ang kanilang mga empleyadong Pinoy.
Sinabi niya na magiging mas mahirap para sa gobyerno na alamin ang kinaroroonan ng mga apektadong OFW.
“It is now highly possible we will also send an augmentation team to countries which cut ties with Qatar to monitor the situation of OFWs there,” ani Say.
Si Say ang pinuno ng crisis team na nilikha ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III para subaybayan ang diplomatic crisis sa Qatar.
Nauna nang sinabi ni Bello na naghahanda na sila ng posibleng contingency plans para tulungan ang mga OFW sakaling maaapektuhan ang mga ito ng desisyon ng KSA, UAE, Bahrain, Egypt, Yemen, at Maldives na putulin ang diplomatikong relasyon sa Qatar dahil sa diumano’y pagsusuporta sa Iran at mga teroristang grupo.
Pansamantalang sinuspinde ng DOLE ang pagpapadala ng mga bagong OFW sa Qatar ngunit pinapayagang bumalik doon ang mga nagbabakasyong OFW at mga may hawak ng Overseas Employment Certificates (OECs) o dahil sa apela ng Qatari government.
TURKISH DEPLOYMENT
Samantala, nilinaw ng Turkey ang desisyon nitong magpadala ng mga tropa sa isang base sa Qatar para tiyakin ang seguridad ng emirate matapos magpatupad ng blockade ang Saudi Arabia at mga kaalyado nito.
"This accord is not targeting any Gulf country," diin ni Mevlut Cavusoglu matapos makipagpulong sa kanyang Bahraini counterpart na si Sheikh Khalid bin Ahmed Al-Khalifa.
Ang layunin ng troop deployment ‘’is to help foster security and stability across the Gulf,’’ ani Cavusoglu kasunod ng mga pag-uusap na dinaluhan ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan, na nagsabing nais nitong matapos ang gulo bago ang pagtatapos ng Ramadan, ang banal na buwan mga Muslim, sa Hunyo 25.
"Turkey will continue with its constructive actions aimed at resolving this problem. We consider the stability and security of the Gulf in the same way we consider our own stability and security," ani Cavusoglu.