IPINAGDIRIWANG ng Pilipinas ngayon ang Araw ng Kalayaan sa tradisyunal na seremonya ng pagtataas ng watawat sa matayog na flagpole sa harap ng Rizal Shrine sa Rizal Park. Pangungunahan ni Pangulong Duterte ang nasabing seremonya, na susundan ng pagtatalumpati niya sa Malacañang para sa Araw ng Kalayaan.
Hunyo 12, 1898 nang iproklama ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya—at itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas. Binasa ang Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino sa tahanan ni Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Iniladlad ang bandila ng mga Pilipino sa kauna-unahang pagkakataon at tinugtog ang pambansang awit, ang Marcha Nacional Filipina, ng bandang San Francisco de Malabon.
Ang mabunying deklarasyon ng kalayaan ay naging panandalian lamang dahil isang panibagong makapangyarihang mananakop ang dumating sa baybayin ng Pilipinas. Matapos na gapiin ni United States Admiral George Dewey ang puwersang Espanyol sa Battle of Manila Bay, hinarap ni Aguinaldo ang bagong kaaway sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Pinangasiwaan ng Amerika ang kapuluan sa sumunod na 40 taon hanggang sa dumating ang mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nanatili sa Pilipinas — ngayon ay Ikalawang Republika ng Pilipinas — sa loob ng apat na taon hanggang tuluyang maging malaya noong 1945. Hulyo 4, 1946 nang lisanin ng Amerika ang mga isla, at pinagkalooban ng kalayaan ang Pilipinas sa bisa ng Treaty of Manila. Sa sumunod na 16 na taon, ipinagdiwang ng bansa — ang Ikatlong Republika ng Pilipinas — ang Araw ng Kalayaan tuwing Hulyo 4.
Sa pamamagitan ni Pangulong Diosdado Macapagal, taong 1962 nang idineklarang Hunyo 12 — ang araw na unang iprinoklama ang kalayaan ng bansa — ang tunay na Araw ng Kalayaan na karapat-dapat na ipagdiwang ng Pilipinas. Hulyo 4 naman ang araw na kinilala ng Amerika ang ating kalayaan; pinili ng Amerika ang nasabing petsa dahil iyon ang kanilang Independence Day.
Ipinalabas ni Pangulong Macapagal ang Proklamasyon Bilang 28 na nagdedeklara sa Hunyo 12 bilang isang espesyal na public holiday sa Pilipinas “in commemoration of our people’s declaration of their inherent and inalienable right to freedom and independence.” Kalaunan, pinagtibay ng Kongreso ang Republic Act 4166 na nagdedeklara sa Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ipinagdiriwang natin ang Hulyo 4 bilang Araw ng Republika ng Pilipinas, ngunit Hunyo 12 ang tunay na Araw ng Kalayaan natin, ang araw na pinagtibay at iprinoklama ang ating pagsasarili — mula sa Espanya na pinamunuan tayo sa loob ng 350 taon, at mula sa Amerika na ang mga pinuno nang mga panahong iyon ay nangangarap na magkaroon ng imperyo at pinili ang Pilipinas bilang ang pinakamalayong maaaring maging kanlungan ng pangarap na iyon.
Sa pagdiriwang natin ng Araw ng Kalayaan ngayon, alalahanin at bigyang-pugay natin ang ating mga bayani na nakipaglaban sa mga nais tayong sakupin — mula kina Lapu-Lapu, hanggang kina Diego at Gabriela Silang, hanggang kina Bonifacio at Aguinaldo, at maging sa mga sundalo at gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. At gunitain at bigyang-parangal natin ang ating mga pambansang pinuno na nagsilbing gabay natin sa panahong nababalot ng pighati ang ating kasaysayan at patuloy tayong ginagabayan hanggang ngayon sa pagharap natin sa ating kinabukasan at pagbaka sa mga bagong pagsubok sa ating mundo, sa kasalukuyan nating panahon.