Ni Beth Camia

Matapos masawi ang 13 Marines, babawasan na ng militar ang airstrikes sa Marawi City at sisikapin na madagdagan ang sundalong lulusob sa mga lugar na hawak pa rin ng Maute.

Ayon kay Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), babawasan na ang pag-atake mula sa himpapawid upang maprotektahan ang mga pribadong ari-arian at gusali sa lungsod.

“Paiigitingin po natin ang ground assault sa mga lugar na hawak ni (Maute), at sisikapin po nating gawin ‘yan sa mga susunod pang mga araw,” pahayag ni Padilla.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Idinagdag pa ni Padilla na hanggat maaari ay iniiwasan na rin nilang magsagawa ng airstrike dahil malapitan na ang labanan.

“Gagawin pa rin po natin ang airstrike kung kinakailangan pero iniiwasan po namin dahil malapitan na po ang labanan,” ayon pa kay Padilla.

“Risky po ito sa ating mga sundalo pero kung ito po ang kinakailangan ay gagawin po natin. Nakita n’yo naman po ang determinasyon at walang pag-aalinlangan ng mga sundalo para po sa ating mga taga-Marawi,” aniya.