Muling ipinagdiinan ng Malacañang na susundin ni Pangulong Duterte ang anumang maging desisyon ng Supreme Court (SC) sa kanyang Proclamation No. 216 na naglagay sa Mindanao sa ilalim ng batas military sa loob ng 60 araw.

Ito ay matapos ng taliwas na pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na magkakaroon ng Constitutional Crisis at susuwayin ang Supreme Court kapag ipinag-utos nito sa Kongreso na magkaroon ng joint session sa pagdedeklara ng martial law.

Tumangging magkomento si Presidential Spokesperson Ernesto Abella sa naging pahayag ni Alvarez at sa halip ay nanindigan sa sinabi ng Pangulo na susundin nito ang desisyon ng SC.

“We will reserve comment on this matter, except to repeat the President’s statement yesterday that he will follow the Supreme Court’s decision,” ani Abella sa ginanap na Mindanao Hour press briefing sa Radyo ng Bayan kahapon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa isang ambush interview sa Sultan Kudarat nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng Pangulo na susundin niya ang Supreme Court.

“Of course [I will follow]. We are bound by rules. Supreme Court na ‘yan. Kung magbalik ‘yung mga ISIS doon. Bahala na ang Supreme Court diyan mag-appreciate,” pahayag ni Duterte.

“I’m sure that they would take into account the fighting going on, and what’s behind it,” dagdag ng Pangulo.

Ayon kay Abella, handa na ang Executive Branch na magkaloob ng impormasyon sa Supreme Court sa naging basehan ng pagdedeklara ng martial law at pagsuspinde sa writ of habeas corpus.

3 PETISYON PINAGSAMA-SAMA VS MARTIAL LAW

Nakatakdang isalang sa oral arguments ang tatlong petisyon na layuning mapawalang bisa ang batas militar at pagsuspinde sa writ.

Inilabas na kahapon (Hunyo 10) ng SC ang kautusan na pagsama-samahin ang petisyon na inihain ng minority bloc, na pinamumunuan ni Albay Rep. Edcel Lagman, at ang dalawa pang petisyon na inihain nitong Biyernes (Hunyo 9).

Isasagawa ang oral arguments sa Hunyo 13, 14 at 15 ng umaga.

Nitong Lunes, inihain ng minority bloc members ng House of Representatives ang kanilang petisyon sa SC. Bukod kay Lagman, kabilang sa mga naghain ng petisyon ay sina Akbayan Rep. Tomasito Villarin, Magdalo Rep. Gary Alejano, Capiz Rep. Emmanuel Billones, Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat, Jr.

Isa pang petisyon ang inihain ng grupo ng kababaihan mula sa Marawi City—Alternative Law Groups Inc.

Naghain din ng petisyon ang grupo ng National Union of People’s Lawyers (NULP).

(ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS at JEFFREY G. DAMICOG)