PUMANAW kahapon ang sikat at premyadong cartoonist, illustrator at pintor na si Mauro “Malang” Santos, dahil sa matagal nang iniindang sakit. Siya ay 89 anyos.

Sa loob ng maraming taon, si Malang ay isang icon at inspirasyon sa local art scene. Nilikha niya ang mga iconic na karakter sa Kosme, The Cop, Retired, ang kauna-unahang English-language comic strip sa bansa na inilathala ng panggabing Manila Chronicle, at sa Chain-Gang Charlie. Nagtayo rin siya ng gallery na nagtatampok sa cartoons na tinawag na Bughouse at naglunsad ng Art for the Masses, ang proyektong nagbigay-daan upang maging mas accessible ang sining sa art lovers.

Bilang pintor, iginuhit ni Malang ang mga pang-araw-araw na eksena gaya ng trapiko sa Quiapo, ang Chinatown, sari-sari stores, mga kalesa, at mga jeepney, na itinampok niya sa Philippine Art Gallery. Nitong mga nakalipas na taon, naging abstract ang kanyang mga iginuguhit ngunit naroon pa rin ang mga pamilyar na eksena ng pang-araw-araw na buhay, tulad ng mga bahay, simbahan, at masa.

Ilan sa mga obra niya ang tumanggap ng pagkilala ng Art Association of the Philippines competition, gaya ng Street Fight, Traffic, The Yellow Sky, Quarter Moon, at Gate to Intramuros.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Kinilala si Malang bilang isa sa 1963 Ten Outstanding Young Men awardees at tumanggap ng Gawad CCP award mula sa Cultural Center of the Philippines. Taong 1981 naman nang gawaran siya ng pamahalaang lungsod ng Maynila ng Patnubay ng Sining at Kalinangan award.

Taong 2002 nang pumanaw ang maybahay niyang si Mary San Pedro. Mayroon silang apat na anak: sina Steve, Simon, Sarah, at Soler. (SARA GRACE C. FOJAS)