PAIIGTINGIN ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu ang mga umiiral na inisyatibo ng kagawaran upang protektahan ang likas na yaman ng bansa mula sa climate change at iba pang banta.
“I’ll endeavor to make the system work better, more efficiently and with greater effectiveness,” saad sa mensahe ng kalihim para sa ika-30 anibersaryo ng Department of Environment and Natural Resources nitong Biyernes, sa Metro Manila.
Tiniyak niya ang mga hakbangin ng kagawaran matapos ihayag na hindi na kailangan pa ng malawakang reporma o hadlangan ang progresong nagawa ng Department of Environment and Natural Resources sa nakalipas na mga taon.
“No matter how much has been done, there still remains a great deal for us to accomplish,” sabi niya.
Patuloy na magpupursige ang Department of Environment and Natural Resources na gawing prioridad ang paglilinis sa hangin at mga anyong tubig, pangasiwaan nang maayos ang basura, pagtatanim sa kagubatan, paglikha ng mga proyekto kontra climate change, pangangalaga sa biodiversity, pagtiyak na hindi malawakan ang mga pinsala ng kalamidad, at mahusay at epektibong pagpapatupad ng mga batas na pangkalikasan, ayon kay Cimatu.
Gayunman, nilinaw niyang hindi madali ang pagsasakatuparan sa mandato ng Department of Environment and Natural Resources, at sa katunayan ay isa itong seryosong hamon, dahil kasabay ng pag-iral ng demokrasya ay ang pagkakaroon ng magkakaibang interes na laging may pagkakasalungat, habang nangangailangan din ng debate ang pagtukoy sa mga prioridad.
“We shall not be fazed and intimidated, however,” sabi ni Cimatu, at hinimok ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources, ang mga katuwang ng kagawaran at iba pang stakeholders na magkaisa para sa kalikasan.
“Uniting for the environment, for Mother Nature, isn’t just a battle cry or a call of the moment — it’s a life-long necessity particularly in this era of climate change and other environmental challenges,” sabi pa ng kalihim. “We know our tasks are critical for our continuing viability as a nation and survival as a people.”
Para kay Cimatu, napapanahon ang tema ng anibersaryo ng Department of Environment and Natural Resources ngayong taon na “Pagbubuklod Para sa Kalikasan” upang magkaisa ang lahat sa pangangalaga at pagbibigay-proteksiyon sa kalikasan.
(PNA)