MyDearHeart copy copy

PATULOY na nagbabahagi ng mga aral tungkol sa pamilya, pagmamahal, at pagpapatawad ang ABS-CBN primetime series na My Dear Heart na lubos na tinangkilik at minahal ng mga manonood gabi-gabi. Inaabangan na ngayong linggo ang magiging kapalaran ng batang bida na si Heart sa pagtatapos ng serye at kung ligtas na nga ba siya sa paghihiganti ni Dok Francis.

Muling hinangaan at kinapulutan ng aral ang palabas nang patunayan ni Margaret (Coney Reyes) na walang bagay o yaman na makapapantay sa pamilya nang magharap sila ng mortal niyang kaaway na si Albertus (Robert Arevalo) nitong Martes (June 6). Ipinakita niya na posibleng magbago ang isang tao sa pamamagitan ng pagmamahal sa pamilya at pagtanggap ng mga kamalian.

Bukod kay Margaret, hinangaan din at nagsilbing magandang ehemplo sa kabataan si Heart sa pagkakaroon ng busilak na puso, na pinagkukuhaan naman ng lakas ng kanyang pamilya. Naging instrumento rin siya upang baguhin ang mga tao sa kanyang paligid at nagbigay inspirasyon upang mangibabaw ang pagmamahal sa kanilang puso.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Hindi naging rason ang mga pagsubok kina Jude (Zanjoe Marudo) at Clara (Bela Padilla) upang sumuko. Nanatili silang matatag at puno ng pasasalamat sa Diyos sa kabila ng lahat ng sakuna na kanilang hinarap, at nagbigay ito ng inspirasyon sa mga manonood.

Ginawa mang manhid ng kanyang mga karanasan, muling lumambot ang puso ni Gia (Ria Atayde) para sa kanyang anak at ibinigay ang lahat ng kanyang kaalaman at pag-aaruga upang mapagaling at mapabuti ang kalagayan nito.

Samantala, dahil nga sa mga aral na ibinabahagi ng serye, labis na kinaantigan at kinapitan ng mga manonood ang mga eksena ng palabas, kaya naman tinutukan ito gabi-gabi ng mga manonood sa buong bansa. Ayon sa datos ng Kantar Media, nakakuha ang My Dear Heart ng pinakamataas na national TV rating na 32.6%, at hindi kailanman naungusan ng mga naging katapat nitong programa.

Matindi rin ang suporta ng netizens para sa palabas sa pagiging trending topic nito gabi-gabi sa Twitter at pag-ani ng papuri at libu-libong tweets.

Samantala, bagamat nahuli na si Francis (Eric Quizon) sa kanyang mga kasamaan, gagawa naman ng paraan ang ama nitong si Albertus upang ipagpatuloy ang pagpapabagsak kay Margaret at pagsira sa pangalan nito. Ngunit hindi ito dahilan para sa pamilya ni Heart upang sumuko dahil patuloy pa ring lalaban para kanyang paggaling.

Magtagumpay kaya si Albertus sa kanyang mga plano? Tuluyan na nga kayang gumaling si Heart? Ano pa nga kayang panganib ang nagbabadya sa kanila mga buhay?

Huwag palampasin ang huling linggo ng My Dear Heart, gabi-gabi pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (Skycable ch 167).