Patay ang isang 60-anyos na babae nang maglaslas sa loob ng bahay sa Sta. Mesa, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Ma. Victoria Vergara, dalaga, tubong Binalonan, Pangasinan at nakikitira sa bahay ng kanyang kapatid na si Fernando Vergara, Sr., 62, ng Batas Street sa Sta. Mesa.

Sa ulat ni SPO2 Charles John Duran, ng Manila Police District - Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 4:00 ng madaling araw, napansin ni Rosalinda, hipag ng biktima, na nagkalat ang dugo sa damit ni Ma. Victoria habang ito ay nakaupo sa kuwarto.

Inakala umano ni Rosalinda na nireregla lamang ang biktima hanggang sa natuklasang may sugat ito sa pulso at agad tinawag ang asawang si Fernando.

Romualdez, kinondena tensyon sa Middle East; seguridad ng mga Pinoy, pinatututukan

Tumawag ng ambulansiya ang mag-asawa ngunit huli na ang lahat.

Ayon sa awtoridad, posibleng problema sa pamilya ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima matapos aminin nina Fernando at Rosalinda na matagal nang hindi magkasundo ang biktima at ang ilang miyembro ng kanilang pamilya.

(Mary Ann Santiago)