Tumataginting na P50,000 cash ang nawala sa isang Indian matapos loobin ng apat armado ang inuupahan niyang kuwarto sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa awtoridad, tinangay ng mga armado ang pera ni Harbajan Singh, 47, negosyante, nang pasukin ang kanyang kuwarto sa Barangay Masambong, dakong 10:30 ng gabi. Nagtamo rin umano ito ng sugat sa kamay nang tutukan ng kutsilyo ng isa sa mga suspek.
Base sa imbestigasyon, nasa kusina si Singh nang biglang pasukin ng apat na armado ang kanyang kuwarto. Dalawa sa mga ito ay may bitbit na baril habang ang dalawang iba pa ay kutsilyo.
Sinabi ni Singh na isa sa mga suspek ang lumapit sa kanya at tinutukan siya ng baril sa tiyan. Abala naman ang iba sa paglilibot sa kanyang kuwarto.
Makalipas ang ilang sandali, isang pang lalaki ang lumapit sa kanya at tinakot na sasaksakin. Nang tangkaing agawin ang kutsilyo, tuluyang nasugatan sa kamay ang biktima.
Tumakas ang mga suspek na bitbit ang pera ni Singh na karamihan ay nakuha mula sa bulsa ng kanyang pantalon.
(Vanne Elaine P. Terrazola)