KAPANALIG, nasa gitna ngayon ng gulo ang Marawi. Ngayong nakikita na natin na malapit na itong magwakas, kailangan nating harapin ang muling pagtataguyod, ang pagbangon mula sa marahas na pagkalugmok.

Hindi lingid sa ating lahat na ang Mindanao ay matagal nang apektado ng pabugsu-bugsong kaguluhan at karahasan. Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2011 (Violent Conflicts and Displacement in Mindanao in Central Mindanao), ang Central Mindanao ay nakararanas na ng makailang siklo ng displacements, at naging mas matindi ito nang magkaroon ng “all out war” ang pamahalaan noong 2000. Humigit kumulang 930,000 ang na-displace noong panahon na iyon. Noong 2003, nasa 411,000 indibiduwal naman ang nawalan ng bahay. Hindi ito tuluyang nawala, kapanalig, at napapalala pa ng mga awayang angkan o rido. Kapanalig, 40% ng mga pamilya sa Central Mindanao ay minsan nang na-displace habang 30% naman ay na-displace na ng higit pa sa isang taon, sa pagitan ng taong 2000 at 2010.

Paano nga ba makababangon ang mga kababayan nating naiipit sa paulit-ulit na karahasan at displacement sa iba’t ibang lugar sa Mindanao?

Kapanalig, marami sa atin ang hindi nakauunawa kung gaano kahirap ang makabangon mula sa displacement, lalo pa’t paulit-ulit ito. Kahirapan ang nagiging epekto ng karahasan para sa marami nating kapatid; Kristiyano man o Muslim.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Nawawalan ng kabuhayan ang mga tao dahil sa karahasan.

Ang access din sa malinis na tubig, sanitasyon at pagkain ay lubhang apektado ng karahasan. Kahit sa mga evacuation center, kapanalig, kulang ang supply. Hindi mo rin masisiguro ang kalinisan ng mga ito.

Vulnerable, lalo ang kababaihan, kapag nadi-displace ang pamilya. Wala o kulang ang privacy sa mga nalilipatan, kapanalig. Ang mga buntis, walang maayos na pahingahan. Naglilipana rin ang mga human traffickers, kapanalig, na nang-eengganyo sa mga mamamayang nawalan ng tirahan na iwan ang kasalukuyan nilang kinalalagyan.

Kaya nga napakasakit ng dinaranas ngayon ng marami nating kababayan sa Marawi. Kailangan nila ng tulong upang makatayong muli. Tayong lahat ay dapat maghawak-kamay at makiramay.

Ang Populorum Progresso ay may mahalagang aral na maaaring magbigay sa atin ng liwanag ngayong panahong tila lipol ng karahasan: Ang pakikipaglaban sa kahirapan at ang pagkilos laban sa kawalan ng katarungan ay pagsulong ng buhay at espirituwalidad ng tao. Ang kapayapaan ay hindi lamang kawalan ng giyera. Ito ay pagkilos tungo sa kaayusang nilalayon ng Panginoon at ng tunay na katarungan.

Sumainyo ang katotohanan! (Fr. Anton Pascual)