Inaresto ng awtoridad ang isa umanong tulak ng droga at dating kandidata ng Binibining Pilipinas matapos makuhanan ng 200 gramo ng “shabu” at iba pang “party drugs” na nagkakahalaga ng P2 milyon, sa pagsalakay sa isang high-end condominium sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig nitong Biyernes.

Kinilala ni Chief Superintendent Tomas Apolinario Jr., Southern Police District (SPD) director, ang mga inarestong suspek na sina Joseph Bayquen Jr., nasa hustong gulang, ng 20M Trion Tower 2, BGC, Fort Bonifacio; at Binibining Pilipinas 2013 candidate Maria Sofia Gloria Mustonen, 27.

Ayon kay Apolinario, nagsanib-puwersa ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency-National Capital Region (PDEA-NCR) at Taguig Police Community Precinct (PCP)-7 sa pagsalakay sa condo unit ni Bayquen, dakong 9:30 ng gabi.

Sinabi ng PDEA-NCR na si Bayquen ay isang “party drugs seller” na nagsu-supply ng droga sa mga bar at club sa BGC area at sa mga call center agent.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Nang suyurin ang condo unit, agad inaresto ng awtoridad si Bayquen, na kasama noon ni Mustonen.

Ilan sa mga nakumpiska sa loob ng unit ay ang 200 gramo ng shabu, 50 gramo ng cocaine, 163 piraso ng ecstasy, isang caliber .45 pistol at isang caliber .22 revolver.

Inamin ni Bayquen na “gumagamit” siya ng droga ngunit itinanggi niya ang pagtutulak.

Itinanggi naman ni Mustonen na sangkot siya sa ilegal na aktibidad ni Bayquen at sinabing binibisita niya lamang ito.

Kapwa dinala sa PDEA headquarters ang mga suspek at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea)