IPINAGDIRIWANG ngayon, Hunyo 11, 2017, ang ika-116 na anibersaryo ng ARAW NG LALAWIGAN NG RIZAL. Ang pagdiriwang ay pangungunahan ni Rizal Governor Rebecca Nini Ynares at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. Ang tema ng pagdiriwang ngayong 2017 ay: Luntian at Maunlad na Lalawigan; Hatid ng YES Program (Ynares Eco System). Ang pagdiriwang sa umaga ay tatampukan ng clean up drive at tree planting sa 13 bayan at isang lungsod sa lalawigan.
Pangungunahan ito ng mga lokal na opisyal ng bawat bayan sa Rizal. Kalahok ang mga empleyado ng munisipyo, mga guro, mag-aaral, kabataan at mga opisyal ng mga barangay.
Saklaw ng clean and green o ng paglilinis at pagtatanim ng mga puno ang iniaatas ng Oplan BUSILAK (Buhayin; Sapa, Ilog, Lawa at Karagatan). Ang YES Program at ang Oplan BUSILAK ay flagship project ni Rizal Gov. Nini Ynares at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal na parehong may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran at sa kalikasan. Ang YES to Green Program ay binubuo ng anim na component tulad ng cleaning o paglilinis, pagtatanim ng mga puno, recycling, risk reduction management, environment protection at tourism.
Sa Baras, Rizal, ang tree planting ay isasagawa sa Sitio Pawpawan, Barangay San Salvador. Sa Binangonan, ito ay magsisimula sa compound ng munisipyo hanggang sa Maragarito Duavit Memorial Hospital sa Barangay Darangan. Sa Pililla, magiging bahagi ng clean up drive ang paglilinis sa buong ilog ng Pililla mula sa Barangay Hulo hanggang sa Barangay Wawa. Lilinisin naman ang tabi ng Laguna de Bay ng mga nakatira sa barangay na nasa tabi ng lawa. Sa Taytay, ang paglilinis ay gagawin naman sa Cheeryville subdivision, Barangay Dolores. Sa Jalajala, ang tree planting ay gagawin sa tapat ng Ynares Municipal Hospital sa Barangay Sipsipin. Sa labing-isang barangay ng Jalajala isasagawa ang clean up drive. Sa Tanay, Rizal, ang paglilinis ay sisimulan sa palengke sa Barangay Plaza Aldea. Sa Angono, ang paglilinis ay gagawin sa sampung barangay sa bayan at sa Barangay Mahabang Parang.
Pagsapit ng hapon ng Hunyo 11, mag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Ang pag-aalay ng bulaklak ay pangungunahan nina Rizal Gov. Nini Ynares, Vice Gov. Rey San Juan, Jr. at ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Ang lalawigan ng Rizal, ayon sa kasaysayan, mula 1853 hanggang 1901, ay kilala sa tawag na Distrito Politico Militar de Morong o Morong District. Pinalitan ng RIZAL noong Hunyo 11, 1901, sa bisa ng Act No. 137 ng First Philippine Commission. Ang pangalang RIZAL ay mungkahi ni Dr. Trinidad Pardo de Tavera, isang makabayan, scholar, naging direktor ng National Library at kaibigan nina Dr. Jose Rizal, Don Juan Sumulong at Epifanio de los Santos. Ang kabisera ay Pasig at ang unang gobernador ay si Ambrosio Flores. Naging governor din si Lope K. Santos, ang Ama ng Balarilang Tagalog, naging senador at direktor ng Suran ng Wikang Pambansa (Komisyon sa Wikang Filipino na ngayon).
Ang unang babaeng naging gobernador ay ang kasalukuyang punong lalawigan na si Gov. Nini Ynares.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 712 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Nobyembre 28, 1995, ipinahayag ng nito na mula 1996 ay ipagdiriwang ang ARAW NG LALAWIGAN NG RIZAL.
Ang 12 mauunlad na bayan sa Rizal ay inagaw at isinama sa binuong Metro Manila masunod lamang ang kapritso ni dating First Lady Imelda Romualdez .
Nawala ang pagiging premiere province. Naghirap ang Rizal. Sa pagtutulungan nina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at dating Rizal Congressman Bibit Duavit at Congressman Frisco San Juan, Sr. at ng iba pang lider sa Rizal, naibangon ang lalawigan para sa kabutihan ng susunod na henerasyon. (Clemen Bautista)