ALIN ang paniniwalaan mong relihiyon? Ang relihiyong nagtuturo ng karahasan at pagpatay kapag hindi siya kaanib o tagasunod (infidels)? O ang relihiyong ang aral ay mahalin ang kapwa tao at patawarin ang nagkasala sa iyo? Higit na mabuti pa ang isang atheist o agnostic kaysa isang taong may relihiyon nga ay nananakit naman sa kapwa komo hindi niya ka-relihiyon.
Kinondena ni Marawi City Bishop Edwin dela Pena ang “mala-demonyong paninira” ng teroristang Maute Group sa isang katedral at pagwasak sa religious icons sa naturang lugar. Pinagsisira, pinagbabasag at pinagpupukpok ng mga terorista ang mga rebulto at imahe ng mga santo, kabilang ang nakapakong Kristo, Virgin Mary, at St. Joseph.
Para kay Bishop Dela Pena, ang ginawang ito ng Maute Group ay “blasphemous.” Maging ang matitinong Muslim ay hindi kumporme sa ginawang ito ng teroristang grupo. Pahayag ni Alim Addulmuhmin Mujahid, exectuve director ng Darul Ifta sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM): “The holy prophet Mohammad, peace be upon him, forbids desecration of holy places, especially churches and synagogues.”
Pinunit din at dinapurak ng tampalasang tagasunod ng Maute Group ang mga imahe nina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict XVI saka sinunog ang St. Mary’s Cathedral. Sa 1.36 minutong video na ipinakita ng Islamic State’s Amaq news agency, ilang terorista pa ang humihiyaw ng “Allahu Akbar” habang nagwawasak ng mga rebulto, icons, imahe ng Simbahang Katoliko. Paano sila nakabibigkas ng “Allahu Akbar” (God Is Great) gayong kademonyuhan ang kanilang ginagawa?
“That is blasphemy! It’s unacceptable. It’s obvious that their actions are really out of this world. It’s demonic,” galit ang obispo. Tumanggap daw sila ng impormasyon na plano ng Maute group na wasakin at sunugin ang simbahan, tulad ng ginawa ng IS extremists sa Syria at Iraq, sa pagwasak sa makasaysayang mga lugar (historical sites) doon. May nagtatanong sa akin: “Anong uri ng paniniwala sa Diyos o kay Allah mayroon ang ganitong mga tao (Maute Group), na nakabibigkas pa ng Allahu Akbar, ginagamit ang dakilang pangalan ni Allah para magsagawa ng karahasan, pagpatay at iba pang mala-satanas na aktibidad?
Nahuli (hindi natimbog) ng awtoridad (security forces) ang patriarka o puno ng Maute Clan matapos madiskubre ng army soldiers ang P52 milyong cash sa isang abandonadong bahay sa Marawi City. Nadakip (hindi natiklo) si Cayamora Maute, ama nina Omar at Abdullah, mga lider ng Maute Group, nang ang sinasakyan niyang Toyota Grandia ay pigilin sa isang checkpoint ng Task Force Davao noong Martes. Kasamang naaresto (hindi nasakote) ng Task Force na pinamumunuan ni Lt. Col. Nestor Mondia sa Sirawan, Toril District, Davao City, sina Aljon Salazar Ismael, driver; ang anak na si Norjannah Balawag; manugang na si Benzarili Tingao; at Kongan Alfonso Balawag, ika-2 (o ika-3) asawa ni Cayamora.
Batid na ngayon ng mga Pinoy ang hiwaga at sikreto kung bakit hirap na hirap ang mga sundalo at pulis ni Pres.
Rodrigo Roa Duterte na pulbusin ang Maute Group at Abu Sayyaf Group. Ito ay dahil sa sangkaterbang (hindi sandamakmak) pera na taglay ng mga terorista na marahil ay ipinamumudmod sa mga residente roon upang sila’y kupkupin ng mga tao at hindi isumbong sa awtoridad! (Bert de Guzman)