IPINAHAYAG ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan noong huling linggo ng Mayo. Ngunit sa kabila nito, kung nagkaroon man ng mga pag-ulan sa iba’t ibang lalawigan na nagdulot ng pagbaha at pag-apaw ng tubig sa ilog, nararamdaman pa rin ang mainit at maalinsangang panahon. Panahon na ngayon ng pagsimoy ng hanging Habagat na may kasamang ulan. Nagmumula ang Habagat sa Timog-Kanluran ng bansa. Simula na ng pagkulog at pagkidlat na susundan ng malakas na pag-ulan sa iba’t ibang panig ng iniibig nating Pilipinas.
Panahon na rin ng pagpasok ng mga bagyo na inaasahang aabot sa 19 hanggang 20 para sa kasalukuyang taon, ayon sa PAGASA.
Sa pagsisimula ng panahon ng tag-ulan, natutuwa naman ang ating mga kababayang magsasaka dahil hindi na matitigang ang lupa. Nawala na ang malalaking bitak na nangibabaw noong tag-araw dahil sa matinding sikat ng araw. Marami na ring magsasaka na nagpunla ng palay upang magkaroon ng binhi na itatanim sa bukid na sinasaka na susundan ng pag-araro at pagsuyod sa tulong ng kanilang kalabaw. At makalipas ang ilang araw, sinisimulan na ang pagtatanim ng palay, kalakip ang pag-asa at dalangin na sana ay maging maayos ang pagtubo at paglaki at magkaroon ng masaganang ani.
Marami naman sa ating mga kababayan ang nangangamba sa pagpasok ng tag-ulan, partikular na ang mga nakatira sa tabi ng ilog. Gayundin ang mga nasa paanan ng mga bundok at gubat na kinalbo ng mga legal at illegal logger at mga tusong developer. Kinatatakutan ang posibleng pagguho ng lupa na tatabon sa kanilang bahay. Pinangangambahan din ang pagbaha na tatangay sa mga pinutol na kahoy at troso.
Hindi malilimot ang pagbaha sa Ormoc, Leyte na ikinamatay ng mahigit 4,000 katao matapos kalbuhin ang mga bundok.
Mababanggit din ang landslide sa Ginsaugon, Leyte na mahigit 2,000 katao ang natabunan at nalibing nang buhay. Hindi rin malilimot ang nangyari sa mga taga-Real at General Nakar, Quezon. Itinuturing na bangungot ang pagguho ng lupa at pagbaha noong Nobyembre 2004. Halos iisa ang sinisisi—ang walang habas na pagkalbo sa mga bundok at gubat.
Sa mga taga-Rizal, partikular na sa mga taga-San Mateo at Montalan na nakatira sa tabi ng ilog, pinangangambahan ang matinding pagbaha matapos ang walang tigil na pag-ulan. Ganito rin ang nararamdaman ng mga taga-Marikina sa tuwing tumataas ang tubig sa ilog-Marikina.
Hindi rin nakaliligtas sa matinding baha ang mga taga-Antipolo City sapagkat kinalbo na rin ng mga developer ang bundok ng Antipolo. Ang pagtaas naman ng tubig sa Laguna de Bay ang pinangangambahan ng mga nakatira sa tabi ng lawa.
Sa tuwing may trahedya sa panahon ng tag-ulan, parang mga manok na hindi makapangitlog at pusang hindi makaihi ang mga nasa pamahalaan.
Nagpapakitang tao sa pagsasagawa ng imbestigasyon. May nahuhuling illegal logger at kinukumpiska ang mga chain saw at iba pang gamit sa pagputol ng puno ngunit hindi naman naparurusahan. Iisa ang dahilan, at ito ay ang CASHunduan.
Nabulag ang mata ng katarungan at patuloy na nakangisi ang mga berdugo. (Clemen Bautista)