Hindi man kabilang sa major league sa mundo, may markang maipagmamalaki ang San Miguel Beermen ni coach Leo Austria – unang koponan sa basketball na nakabangon mula sa 0-3 paghahabol para maging kampeon sa best-of-seven series.

Sa kasalukuyan, ito ang target na makamit ni LeBron James at ng Cleveland Cavaliers sa NBA Finals.

Ngunit, para kay Austria, malabong maisakatuparan ito ng Cavaliers, higit laban sa Golden State Warriors na punong-puno ng lakas, talento, gilas at determinasyon.

Nabaon ang Beermen sa 0-3 sa PBA Philippine Cup title series sa nakalipas na season, subalit nakabangon at pagwagihan ang sumunod na apat na laro para sa makasaysayang kampeonato.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“During our time kasi we were actually the favored team, nawala lang si JuneMar (Fajardo) kaya talo kami sa first three games. Nakaisa kami tapos bumalik si JuneMar, nagtuloy-tuloy na,” sambit ni Austria. “Yung Golden State kasi may target din na history kasi wala pang nakaka-sweep ng playoffs sa NBA.”

Nahila ng Warriors ang dominanteng postseason run sa 15-0 matapos ang come-from-behind 118-113 panalo sa Cavs sa Game 3.

Tunay na hindi estranghero ang Cavs sa comeback dahil nakamit nila ang unang kampeonato sa nakalipas na season nang habuling ang 3-1 bentahe ng Warriors.

“Nasa isip nila yun kaya ngayon, ayaw na nila na maulit yun. That’s why mas mahirap talunin ang Warriors kasi nga, alam nila kayang gawin ng Cleveland na makabalik so bakit pa nila pagbibigyan?” pahayag ni Austria.

“Nakikita ko din self-motivated ang Warriors. Halos hindi na nagpapa-alala yung coach nila,” aniya.

Gayunman, may pagkakataon pa ang Cavs na nakagawa ng bagong kasaysayan sa pakikipagtuos sa Warriors sa Game 4 ngayon (Biyernes sa Cleveland) sa Quicken Loans Arena. (Dennis Principe)