TINATAWAG ng administrasyon na panukala ng reporma ang House Bill 5356 sa pangalan nitong “Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act”. Positibong salita ang “Reform”, habang nagpapahiwatig naman ng aktibong gobyerno ang “Acceleration”—gaya ng Disbursement Acceleration Program ng nakalipas na administrasyon—samantalang tinutukoy naman sa “Inclusion” na makikinabang na ang mahihirap na sektor sa bansa sa mga benepisyong kaakibat ng pambansang kaunlaran.
Gayunman, binigyang-diin ng maraming kritiko na bagamat tunay na may reporma sa ilang probisyon ng panukalang ito sa pagbubuwis, mistulang ang malaking bahagi nito ay nakatuon sa pagkalap ng bilyun-bilyong pisong pondo sa pamamagitan ng buwis na makaaapekto sa mga karaniwang manggagawang Pilipino sa inaasahang epekto ng pagtataas ng presyo ng bilihin at ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Bahagi ng isinusulong na reporma ng TRAIN ang pagpapababa sa personal income tax sa 25% mula sa kasalukuyang 32%. Ang mga kumikita ng P250,000 pababa kada taon ay hindi na pagbabayarin ng buwis, habang ang mga “ultra-rich” naman ay magbubuwis ng 35%. Tinanggap ang panukalang ito bilang reporma ng napakaraming manggagawa. Sa pagpapababa sa sisingiling buwis, tinataya ng gobyerno na mababawasan ng nasa P200 bilyon ang kasalukuyang nakokolektang buwis.
Upang makabawi sa mababawasang koleksiyon, iminungkahi ng TRAIN ang ilang bagong paraan upang mangolekta ng karagdagang pondo para sa mamamayan at sa mga negosyo. Itataas nito ang buwis sa gasolina at iba pang produktong petrolyo. Inaasahang magdudulot ito ng pagtataas ng presyo ng mga produktong ibinibiyahe ng mga truck mula sa mga lalawigan. Aalisin din ang VAT exemptions na pinakikinabangan ng maraming sektor. Magpapataw naman ng bagong excise tax sa mga sugar-sweetened na inumin, bagamat higit na kalusugan ang pinagtutuunan ng panukalang ito kaysa buwis.
Ang kikitain ng gobyerno sa mga bagong buwis na ito ay tinatayang aabot sa P500 bilyon. Kung ibabawas ang P200 bilyon na nawala sa pinababang income tax rates, kikita ang pamahalaan ng P300 bilyon kada taon sa pagtatapos ng tatlong-taong pagpapatupad ng TRAIN. Nitong Martes, sinabi ng Department of Finance (DoF) na sa huling taya ng kagawaran, ang kikitain ng gobyerno sa mga bagong buwis, batay sa panukala, ay papalo sa P1.16 trilyon sa loob ng limang taon, o nasa P230 bilyon kada taon.
Nakasalang na ngayon ang House Bill 5356 sa Senado at nangako ang huli na hihimaying mabuti ang panukala, partikular na ang mga probisyong magtataas ng buwis sa petrolyo na tiyak na pagdurusahan ng sektor ng pagsasaka at pangingisda, at sa sukdulan, ng mga karaniwang tao na kumakain ng bigas at isda.
Muli kaming umaapela sa ating mga mambabatas na isaisip ang mahihirap sa kanilang mga desisyon. Batay sa huling taya ng DoF, aabot sa P230 bilyon ang magiging karagdagang kita ng gobyerno taun-taon makalipas ang tatlong taon. Marahil mas mainam na gawing mas simple ang mga pinupuntirya upang hindi rin maging ganoon kalaki ang epekto sa mamamayan.