LAPU-LAPU CITY, Cebu – Sinuyod kahapon ng isang grupo ng mga diver at miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) ang karagatan ng Caubian Island sa Lapu-Lapu City upang hanapin ang bangkay ni Bien Unido, Bohol Mayor Gisela Boniel, na itinapon umano sa dagat makaraang patayin ng kanyang asawa nitong Huwebes ng madaling araw.

Isinama ng mga pulis sa operasyon si Reolito Boniel, pinsan ng asawa ng alkalde na si Board Member Niño Rey Boniel, na nagsimula ng 7:00 ng umaga.

Sinabi ni Reolito, 39, sa pulisya na siya ang nagmaniobra ng pump boat kung saan binaril si Giselda bago itinapon sa karagatan sa Caubian.

Ayon sa pulisya, sinabi sa kanila ni Reolito na ang bokal ang bumaril at nakapatay sa mayor habang sakay sila sa pump boat. Una nang sinabi ni Niño Rey na si Reolito ang bumaril sa alkalde.

Probinsya

Dating barangay captain sa Catanduanes, dinukot at pinagnakawan ng kalalakihan

Kahapon, sinuyod ng 18 diver, kabilang ang mga miyembro ng Sea Knight at isang grupo ng mga Korean technical diver, ang pusod ng Caubian Island, kung saan sinabi ni Reolito na itinapon nila ang bangkay ng alkalde.

Gayunman, bigong matagpuan ang bangkay hanggang kahapon ng tanghali.

Sinisid ng mga diver ang hanggang 150 metrong lalim ng malinaw na dagat subalit wala roon ang bangkay ni Gisela.

TINIYAK NA LULUBOG

Kuwento ni Reolito, itinali ang bangkay ng mayor sa isang malaking bato, may bigat na aabot sa 30 kilo, upang tiyaking lulubog ito sa kailaliman ng dagat.

Sinabi ni Police Regional Office (PRO)-7 director Chief Supt. Noli Taliño na magpapatuloy ang diving operation hanggang matagpuan ang labi ng mayor.

Dagdag pa niya, inihahanda na ang kasong isasampa laban kay Niño Rey at ilang iba pa, habang ikinokonsidera namang gawing state witness sa kaso si Reolito.

Inaresto nitong Huwebes ng umaga, limang taon nang kasal si Niño Rey kay Gisela at mayroon silang apat na taong gulang na anak na lalaki.

GULANTANG ANG MGA BOHOLANO

Nagpahayag naman kahapon ng labis na pagkabigla ang mga Boholano makaraang mapaulat ang insidente.

“We did not even have an idea that the couple had domestic problems,” sabi ni Bohol Gov. Edgar Chatto. “BM Boniel deserves due process as he is brought to the bar of justice”.

Ayon naman kay Chief Supt. Taliño, ikinokonsidera nilang naresolba na ang kaso, sinabing away mag-asawa ang motibo sa krimen.

Sinabi ng isang source na malapit sa mag-asawa na plano na ng alkalde na maghain ng annulment case laban sa bokal, bukod pa sa nag-iisip na ring magbitiw sa puwesto.

Si Gisela ay isang dating piloto na kumandidatong alkalde dahil hindi na maaaring ma-reelect si Niño Rey, na kumandidato namang board member sa ikalawang distrito ng Bohol noong 2016. (MARS MOSQUEDA JR. at DAVE ALBARADO)